25 Ngayon, sa Jerusalem ay may isang taong nagngangalang Simeon; totoong matuwid at makadiyos ang taong iyon. Hinihintay niya ang pagpapaginhawa ng Panginoon sa Israel at sumasakanya ang Espiritu Santo. 26 Ipinaalam naman sa kanya ng Espiritu Santo na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. 27 Kaya pumunta siya ngayon sa Templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin ng mga magulang ang batang si Jesus para tuparin ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya.
28 Kinalong siya ni Simeon sa kanyang mga braso at pinuri ang Diyos, at sinabi: 29 “Mapayayaon mo na ang iyong utusan, Panginoon, nang may kapayapaan ayon na rin sa iyong wika; 30 pagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas 31 na inihanda mo sa paningin ng lahat ng bansa, 32 ang liwanag na ibubunyag mo sa mga bansang pagano at ang luwalhati ng iyong bayang Israel.”
33 Nagtataka ang ama at ina ng bata
sa mga sinasabi tungkol sa kanya. 34 Pinagpala naman sila ni Simeon at
sinabi kay Mariang ina ng bata: “Dahil sa kanya, babagsak o babangon ang mga
Israelita at magiging tanda siya sa harap nila at kanilang sasalungatin.
35 Kaya mahahayag ang lihim na pag-iisip ng mga tao. Ngunit paglalagusan
naman ng isang punyal ang puso mo.”
No comments:
Post a Comment