Mabuting
Balita: Mateo 20:1-16
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, 1 Tungkol sa nangyayari sa
kaharian ng Langit ang kuwentong ito. Maagang lumabas ang isang may-ari para
umupa ng mga manggagawa sa ubasan. 2 Nakipagkasundo siya na tatanggap
ang mga manggagawa ng isang baryang pilak isang araw, at pinapunta na niya
sila sa ubasan.
3 Lumabas din siya nang mag-iikasiyam ng umaga at nakita
niya ang ibang mga nakatayo sa plasa na
walang ginagawa. 4 Kaya sinabi niya sa kanila: ‘Pumunta rin kayo sa
aking ubasan at bibigyan ko kayo ng nararapat.’ At pumunta sila.
5 Muli siyang lumabas kinatanghalian at nang mag-iikatlo ng hapon
at gayundin ang ginawa niya. 6 Lumabas din siya sa huling oras ng paggawa
at nakita niya ang iba pang nakatayo lamang. Kaya sinabi niya sa kanila: ‘Bakit
kayo nakatayo lang at maghapong walang ginagawa?’ 7 Sumagot sila: ‘Dahil
walang umupa sa amin.’ Sinabi niya: ‘Pumunta kayo at magtrabaho sa aking
ubasan.’
8 Paglubog ng araw, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang
tagapamahala: ‘Tawagin ang mga manggagawa at bayaran sila, mula sa huli
hanggang sa una.’ 9 Kaya lumapit ang mga dumating sa huling oras at
binigyan sila ng tig-isang denaryo (isang baryang pilak). 10 Nang lumapit
naman ang mga nauna, akala nila’y tatanggap sila ng higit pa. Ngunit tumanggap
din sila ng tig-isang denaryo. 11Kaya pagkatanggap nila nito, nagsimula
silang magreklamo sa may-ari.
12 Ang sabi nila: ‘Isang oras lamang ang trabaho ng mga huling ito,
at ipinapantay mo sila ngayon sa amin
na maghapong nagtrabaho sa init ng araw.’ 13Kaya sinagot ng may-ari ang isa
sa kanila: ‘Kaibigan, hindi ko kinukuha ang sa iyo. Di ba’t nagkasundo tayo
sa isang denaryo isang araw? 14 Kaya tanggapin mo ang sa iyo at umalis ka na. Gusto ko ring bigyan
ang nahuli gaya ng ibinigay ko sa iyo. 15 Wala ba akong karapatang gawin
ang gusto ko sa pera ko? Bakit ka naiinggit dahil maawain ako?’ 16 Kaya
mauuna nga ang huli, at mahuhuli ang una.”
No comments:
Post a Comment