Mabuting Balita: Lucas 24:13-35
• 13 Nang araw ng Linggo,
dalawa sa mga alagad ang naglalakad pa-Emmaus na isang nayong mga labinlimang
kilometro mula sa Jerusalem. 14 Pinag-uusapan nila ang mga nangyari.
15 Sa kanilang pag-uusap at pagtatalakayan, lumapit si Jesus at nakisabay
sa paglakad nila 16 pero parang may kung anong hadlang sa kanilang mga
mata at hindi nila siya nakilala.
17 Tinanong niya sila: “Ano ba ang
pinag-uusapan ninyo sa daan?” Tumigil silang mukhang malungkot. 18 Sumagot
ang isa sa kanila na nagngangalang Cleofas: “Bakit, mukhang ikaw lang ang
kaisa-isahan sa Jerusalem na di alam ang mga nangyari roon nitong mga ilang
araw?”
19 Itinanong niya: “Ano?” Sumagot
sila: “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Sa paningin ng Diyos at ng buong
baya’y isa siyang propetang makapangyarihan sa gawa at salita.
20 Ngunit isinakdal siya ng aming mga punong-pari at mga pinuno para
mahatulang mamatay at ipinako siya sa krus. 21 Umaasa pa naman kaming
siya ang tutubos sa Israel ngunit ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari
ang lahat ng ito.
22 Sa totoo’y ginulat kami ng ilang
babaeng kasama namin. Maaga silang pumunta sa libingan 23 pero hindi
nila nakita ang kanyang katawan kaya dumating sila at sinabi sa amin na nakakita
pa raw sila ng aparisyon ng mga anghel na nagsabi sa kanila na buhay siya.
24 Nagpunta rin sa libingan ang ilan sa amin at natagpuan nga nila ang
sinasabi ng mga babae pero hindi nila siya nakita.”
25 Sinabi sa kanila ni Jesus: “Mga
hindi makaunawa at mapupurol ang isip para maniwala sa lahat ng ipinahayag ng
mga propeta. 26 Di ba’t kailangang magdusa nang ganito ang Mesiyas bago
pumasok sa kanyang Luwalhati?” 27 At sinimulan niyang ipaliwanag sa
kanila ang lahat ng sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kanya, mula kay Moises
hanggang sa lahat ng Propeta.
28 Nang malapit na sila sa nayong
pupuntahan nila, parang magpapatuloy pa siya ng paglakad. 29 Pero pinilit
nila siya: “Manatili kang kasama namin dahil dapithapon na at lumulubog na ang
araw.” Kaya pumasok siya at sumama sa kanila. 30 Nang nasa hapag na
siyang kasalo nila, kumuha siya ng tinapay, nagpuri at piniraso ito at ibinigay
sa kanila.
31 At noo’y nabuksan ang kanilang
mga mata at nakilala nila siya, at nawala siya sa kanilang paningin.
32 Nag-usap sila: “Hindi ba’t nag-aalab ang ating puso nang
kinakausap niya tayo sa daan at ipinaliliwanag sa atin ang mga Kasulatan?”
33 Noon di’y tumayo sila at
nagbalik sa Jerusalem. Nakita nila roon na magkakasama ang Labing-isa at ang
iba nilang kasamahan. 34 Sinabi ng mga iyon sa kanila: “Totoo ngang
binuhay ang Panginoon at napakita siya kay Simon.” 35 At isinalaysay naman
nila ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng
tinapay.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
No comments:
Post a Comment