Tuesday, April 07, 2020

Ang Mabuting Balita para sa Abril 9, Huwebes Santo, Misa sa Pagtatakipsilim sa Paghahapunan ng Panginoon: Juan 13:1-15


Mabuting Balita: Juan 13:1-15
Bago magpiyesta ng Paskuwa, alam ni Jesus na duma­ting na ang kanyang oras para tumawid mula sa mundong ito tungo sa Ama, sa pagmamahal niya sa mga sariling kanya na nasa mundo, minahal niya sila hanggang kaganapan. • 2 Naghahapunan sila at naisilid na ng diyab­lo sa kalooban ni Judas na anak ni Simon Iskariote na ipagkanulo siya. 3 Alam naman ni Jesus na ipinag­kaloob ng Ama sa kanyang mga kamay ang lahat, at mula sa Diyos siya galing at sa Diyos siya pabalik.

4 Kaya tumindig siya mula sa hapunan at hinubad ang panlabas na damit, at pagka­kuha ng tuwalya ay ibi­nigkis sa sarili. 5 Pagkatapos ay nag­buhos siya ng tubig sa hugasan, at sinimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang na­kabigkis sa kanya.
6 Nang lumapit siya kay Simon Pedro, sinabi nito sa kanya: “Pangi­noon, ikaw ba ang mag­hu­hu­gas sa aking mga paa?” 7 Sumagot si Jesus: “Hindi mo alam ngayon ang ginagawa ko pero mauuna­waan mo makaraan ang mga ito.”

8 Sinabi sa kanya ni Pedro: “Hinding-hindi mo kailanman huhugasan ang aking mga paa.” Sumagot si Jesus sa kanya: “Kung hindi kita huhu­gasan, hindi ka makababahagi sa akin.” 9 Sinabi sa kanya ni Simon Pedro: “Pangi­noon, hindi lamang ang mga paa ko kundi pati na ang mga kamay at ulo.” 10 Sinabi sa kanya ni Jesus: “Mga paa lamang ang kailangang hugasan ng naligo na dahil malinis na ang buo niyang sarili. Malinis nga kayo pero hindi lahat.” 11 Alam ni Jesus ang mag­kakanulo sa kanya. Dahil dito kaya niya sinabing: “Hindi lahat kayo’y malinis.”

12 Kaya nang mahugasan niya ang kanilang mga paa, kinuha niya ang kanyang panlabas na damit at bumalik sa hapag, at sinabi niya sa kanila: “Nauu­nawaan n’yo ba ang ginawa ko sa inyo? 13Tinatawag n’yo akong ‘Guro’ at ‘Pangi­noon.’ At tama ang pagsasabi ninyo: ako nga. 14 Kaya kung hinu­gasan ko ang inyong mga paa, akong Panginoon at Guro, gayundin kayo dapat mag­hugasan ng mga paa ng isa’t isa. 15 Isang halimbawa ang ibinigay ko sa inyo upang gawin din ninyo gaya ng ginawa ko sa inyo.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

No comments: