Mabuting
Balita: Mateo 26:14-25
14 Pumunta sa mga punong-pari ang isa sa Labindalawa, ang tinatawag na
Judas Iskariote, at sinabi: 15 “Magkano ang ibibigay ninyo sa akin kung
ibibigay ko siya sa inyo?” Inalok nila ito ng tatlumpung baryang pilak,
16 at mula noon, naghanap ito ng pagkakataong maipagkanulo siya.
17 Sa unang araw ng Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura, lumapit
kay Jesus ang mga alagad at sinabi sa kanya: “Saan mo kami gustong maghanda ng
Hapunang Pampaskuwa para sa iyo?” 18 Sumagot si Jesus: “Puntahan ninyo
ang lalaking ito sa lunsod at sabihin sa kanya: ‘Sinasabi ng Guro: malapit na ang
oras ko at sa bahay mo ako magdiriwang ng Paskuwa kasama ng aking mga alagad’.”
19 At ginawa ng mga alagad ang lahat ng iniutos ni Jesus at
inihanda ang Paskuwa. 20 Pagkalubog ng araw, nasa hapag si Jesus kasama
ng Labindalawa. 21 Habang kumakain sila, sinabi ni Jesus: “Talagang
sinasabi ko sa inyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” 22 Lubha silang
nalungkot at nagtanong ang bawat isa: “Ako ba, Panginoon?”
23 Sumagot siya: “Ang kasabay kong nagsawsaw ng tinapay sa plato
ang magkakanulo sa akin. 24 Patuloy sa kanyang daan ang Anak ng Tao ayon
sa isinulat tungkol sa kanya ngunit kawawa ang nagkakanulo sa Anak ng Tao; mas
mabuti pa para sa taong ito kung hindi na siya ipinanganak pa.”
25 Nagtanong din si Judas na magkakanulo sa kanya: “Ako ba, Guro?”
Sumagot si Jesus: “Ikaw na ang nagsabi.”
Ang Mabuting
Balita ng Panginoon.
No comments:
Post a Comment