Mabuting
Balita: Juan 18:1-19-42
1 Lumabas si Jesus kasama ang kanyang mga alagad sa kabilang-ibayo
ng sapa ng Kedron. May bukid doon at pumasok siya roon at ang kanyang mga
alagad. 2 Alam din ni Judas na nagkakanulo sa kanya ang lugar dahil doon
malimit magtagpo si Jesus at ang kanyang mga alagad. 3 Kaya isinama ni
Judas ang tropa ng mga sundalo at mga bantay ng Templo mula sa mga punong-pari at
mga Pariseo, at nagpunta sila roon na may mga sulo, ilawan at armas.
4 Alam ni Jesus ang lahat ng sasapitin niya kaya lumabas siya at sinabi
sa kanila: “Sino’ng hinahanap ninyo?” 5 Sumagot sila sa kanya: “Si Jesus
na taga-Nazaret.” Sinabi niya sa kanila: “Ako siya!” Naroon ding kasama nila
si Judas na nagkanulo sa kanya.
6 At nang sabihin ni Jesus sa kanilang “Ako siya!” napaurong sila
at nabuwal sa lupa. 7 Kaya muli niya silang tinanong: “Sino’ng hinahanap
ninyo?” Sinabi naman nila: “Si Jesus na taga-Nazaret.” 8 At sumagot si
Jesus: “Sinabi ko sa inyong ako siya. Kaya kung ako ang hinahanap ninyo,
pabayaan n’yong makaalis ang mga ito.” 9 Ganito kailangang maganap ang
salitang sinabi niya: “Hindi ko iwinala isa man sa mga ibinigay mo sa akin.”
10 May tabak si Simon Pedro, binunot niya ito at tinaga ang utusan ng
Punong-pari at tinagpas ang kanang tenga nito. Malko ang pangalan ng utusan.
11 Kaya sinabi ni Jesus kay Pedro: “Ibalik mo ang tabak sa sukbitan nito.
Hindi ko ba iinumin ang kalis na ibinigay sa akin ng Ama?”
12 Kaya dinakip si Jesus ng tropa, ng kapitan at ng mga bantay ng
mga Judio, at iginapos siya. 13 At dinala muna nila siya kay Annas na
biyenan ni Caifas na siya namang Punong-pari nang taong iyon. 14 Ngayon,
si Caifas ang nagpayo sa mga Judio na mas makabubuting isang tao ang mamatay
alang-alang sa sambayanan. 15 Sumusunod naman kay Jesus si Simon Pedro at
ang isa pang alagad. Dahil kilala ng Punong-pari ang alagad na iyon, nakapasok
siyang kasabay ni Jesus sa patyo ng Punong-pari. 16 Nakatayo naman sa
labas si Simon Pedro, sa may pintuan. Kaya lumabas ang isa pang alagad na
kilala ng Punong-pari at kinausap ang babaeng bantay sa pinto at pinasok sa
loob si Pedro.
17 Kaya sinabi kay Pedro ng dalagitang bantay sa pintuan: “Di ba’t
isa ka rin sa mga alagad ng taong ito?” Sumagot siya “Hindi ako!” 18 Nangatayo
naman ang mga utusan at mga bantay, nagsiga sila at nagpapainit dahil maginaw.
Kasama nilang nakatayo rin si Pedro at nagpapainit.
19 Siniyasat si Jesus ng Punong-pari tungkol sa kanyang mga alagad
at tungkol sa kanyang turo. 20 Sumagot sa kanya si Jesus: “Lantaran akong
nangusap sa mundo. Lagi akong nagtuturo sa sinagoga’t sa Templo na pinagtitipunan
ng lahat ng Judio. Wala akong ipinangusap nang palihim. 21 Ba’t ako ang tinatanong
n’yo? Ang mga nakarinig sa ipinangusap ko sa kanila ang tanungin n’yo.
Siguradong alam nila ang mga sinabi ko.”
22 Sa pagsagot niya nang ganito, sinampal si Jesus ng isa sa mga
bantay na nakatayo roon at sinabi: “Ganyan ka ba sumagot sa Punong-pari?
23 Sinagot siya ni Jesus: “Kung nangusap ako ng masama. Patunayan mong
masama; kung mabuti naman, bakit mo ako pinagbuhatan ng kamay?” 24 At
nakagapos siyang ipinadala ni Annas kay Caifas na Punong-pari. 25 Ngayon,
nakatayo naman si Simon Pedro at nagpapainit. Kaya sinabi nila sa kanya: “Di
ba’t isa ka rin sa kanyang mga alagad?” Itinatuwa niya iyon at sinabi: “Hindi
ako.” 26 Sinabi naman ng isa sa mga utusan ng Punong-pari, na kamag-anak
ng tinagpasan ni Pedro ng tenga: “Di ba’t nakita kitang kasama niya sa bukid?
27 Ngunit muli itong itinatuwa ni Pedro. At biglang tumilaok ang tandang.
• 28 Mula kay Caifas, dinala si Jesus sa palasyo ng
gobernador. Umaga na noon at hindi sila pumasok sa palasyo para makakain ng
Hapunang Pampaskuwa, kung hindi’y marurumihan sila ng lugar na iyon.
29 Kaya nilabas sila ni Pilato at tinanong: “Anong sakdal ang dala n’yo
laban sa taong ito?” 30 Sumagot sila: “Kung hindi gumagawa ng masama ang
taong ito, hindi sana namin siya ipinaubaya sa iyo.” 31 Kaya sinabi sa
kanila ni Pilato: “Kunin n’yo siya, at kayo ang humukom sa kanya ayon sa
inyong batas.” sinabi naman sa kanya ng mga Judio: “Hindi ipinahihintulot sa
amin na humatol ng kamatayan.” 32 Sa gayon magaganap ang salitang sinabi
ni Jesus tungkol sa kamatayang ikamamatay niya.
33 Kaya muling pumasok si Pilato sa palasyo, tinawag si Jesus at
sinabi sa kanya: “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” 34 Sumagot si Jesus: “Mula ba
sa ’yo ang salitang ito o may nagsabi sa ’yo tungkol sa akin?” 35 Sumagot
si Pilato: “Ako ba’y Judio? Ipinaubaya ka sa akin ng mga kalahi mo at ng mga
punong-hari. Ano ba’ng ginawa mo?” 36 Sumagot si Jesus: “Hindi sa mundong
ito galing ang pagkahari ko. Kung sa mundong ito galing ang pagkahari ko,
makikibaka sana ang mga tauhan ko upang hindi ako maipaubaya sa mga Judio.
Ngunit hindi nga dito galing ang pagkahari ko.”
37 Kaya sinabi sa kanya ni Pilato: “Eh di hari ka nga?” sumagot si
Jesus: “Sinabi mong hari nga ako. Para dito ako isinilang at dahil dito kaya
ako dumating sa mundo: upang magpatunay sa katotohanan. Nakikinig sa tinig
ko ang bawat makatotohanan.” 38 Sinabi sa kanya ni Pilato: “Ano ang
katotohanan?” Pagkasabi nito, lumabas siyang muli sa mga Judio at sinabi sa
kanila: “Wala akong matagpuang krimen sa kanya. 39 May kaugalian kayo na
pinalalaya ko sa inyo ang isang tao sa araw ng Paskuwa. Kaya gusto n’yo bang
palayain ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?” 40 At muli silang nagsigawan:
“Hindi siya kundi si Barabbas!” Si Barabbas ay tulisan.
19 1 Kaya
ipinakuha noon ni Pilato si Jesus at ipinahagupit. 2 Pagkapulupot
naman ng mga sundalo ng isang koronang tinik, ipinutong ito sa kanyang ulo at
binalabalan siya ng kapang pulang-panghari, 3 at naglapitan sa kanya sa
pagsasabing “Mabuhay ang Hari ng mga Judio.” At pinagsasampal nila siya. 4 Nang
muling lumabas si Pilato, sinabi niya sa mga Judio: “Narito’t inilabas ko siya
sa inyo upang malaman n’yong wala akong matagpuang krimen sa kanya.”
5 Kaya lumabas si Jesus, suot ang tinikang korona at ang kapang
pulang-panghari. Sinabi sa kanila ni Pilato: “Hayan ang Tao!”
6 Kaya nang makita siya ng mga punong-pari at mga bantay, nagsigawan
sila: “Ipako sa krus! Ipako sa krus!” sinabi sa kanila ni Pilato: “Kunin n’yo
siya at kayo ang magpako sa krus dahil wala akong matagpuang krimen sa kanya.”
7 Sumagot sa kanya ang mga Judio: “May Batas kami at ayon sa Batas ay
dapat siyang mamatay sapagkat ginawa niyang Anak ng Diyos ang kanyang
sarili.” 8 Nang marinig ni Pilato ang salitang ito’y lalo siyang natakot.
9 Pumasok siyang muli sa palasyo at tinanong si Jesus: “Tagasaan ka ba?”
Wala namang isinagot si Jesus sa kanya. 10 Kaya sinabi sa kanya ni
Pilato: “Hindi ka ba makikipag-usap sa akin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan
akong palayain ka at may kapangyarihan ding ipapako ka sa krus?”
11 Sumagot si Jesus: “Wala kang anumang kapangyarihan sa akin kung
hindi ito ibinigay sa iyo mula sa itaas. Kaya mas mabigat ang kasalanan ng
nagpaubaya sa akin sa iyo.” 12 Mula noo’y hinangad ni Pilato na palayain
siya. Nagsisisigaw naman ang mga Judio: “Kung palayain mo siya, hindi ka
kaibigan ng Cesar. Nagsasalita laban sa Cesar ang sinumang gumagawang hari sa
kanyang sarili!” 13 Nang marinig ni Pilato ang mga salitang ito, ipinadala
niya sa labas ni Jesus at pinaupo sa luklukan, sa lugar na tinatawag na
Lithostrotos, na sa Hebreo’y Gabbatha.
14 Paghahanda noon ng Paskuwa, magtatanghaling-tapat ang oras.
sinabi niya sa mga Judio: “Hayan ang inyong Hari!” 15 Kaya nagsigawan ang
mga iyon: “Alisin, alisin, ipako siya sa krus!” Sinabi sa kanila ni Pilato:
“Ipapako ko ba sa krus ang inyong Hari?” Sumagot ang mga punong-pari: “Wala
kaming hari liban sa Cesar.” 16 Kaya noo’y ipinaubaya siya ni Pilato sa
kanila upang ipako sa krus.
Kinuha nila si Jesus. 17 Siya mismo ang nagpasan ng krus at lumabas
tungo sa lugar ng kung tawagi’y Pook ng Bungo, na sa Hebreo’y Golgotha.
18 Doon nila siya ipinako sa krus, at kasama niya ang dalawang iba pa sa
magkabila, nasa gitna naman si Jesus. 19 Ipinasulat din ni Pilato ang karatula
at ipinalagay sa krus. Nasusulat: Jesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio.
20 Marami sa mga Judio ang nakabasa sa karatulang ito dahil malapit sa
lunsod ang lugar na pinagpakuan sa krus kay Jesus, at nasusulat iyon sa Hebreo,
Latin at Griyego. 21 Kaya sinabi kay Pilato ng mga punong-pari ng mga
Judio: “Huwag mong isulat ‘ang Hari ng mga Judio,’ kundi ‘Ito ang nagsabing
“Hari ako ng mga Judio.’” 22 Sumagot si Pilato: “Ako ang sumulat at
nakasulat na.”
23 Nang maipako ng mga sundalo si Jesus sa krus, kinuha nila ang
kanyang mga damit, at pinaghati sa apat – tig-isang bahagi sa bawat sundalo –
at ang tunika. Ngayon, walang tahi ang tunika, at hinabi nang buo mula taas.
24 Kaya pinag-usapan nila: “Huwag natin itong punitin kundi pagsapalaranan
natin kung mapapakanino.” Gayon kailangang maganap ang kasulatan:
Pinagbaha-bahagi nila sa kani-kanila ang aking mga damit, at pinagpalabunutan
ang aking suot. Ito nga ang ginawa ng mga sundalo.
25 Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at
ang kapatid na babae ng kanyang ina, si Maria ni Cleofas at si Maria Magdalena.
26 Kaya pagkakita ni Jesus sa ina at sa alagad na mahal niya na nakatayo
sa tabi, sinabi niya sa Ina: “Babae, hayan ang anak mo!” 27 pagkatapos ay
sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyon,
tinanggap siya ng alagad sa kanyang tahanan.
28 Pagkaraan nito, alam ni Jesus na ngayo’y natupad na ang
lahat. Ngunit kailangang maganap ang Kasulatan, at sinabi niya: “Nauuhaw ako!”
29 May sisidlan doon na puno ng maasim na alak. Kaya ikinabit nila sa
isopo ang isang esponghang ibinabad sa alak at idiniit sa kanyang bibig.
30 Pagkasipsip ni Jesus ng alak, sinabi niya: “Natupad na!” At pagkayuko
ng ulo’y ibinigay ang espiritu. 31 Dahil paghahanda noon, ayaw ng mga
Judio na mamalagi sa krus ang mga katawan sa Araw ng Pahinga sapagkat dakilang
araw ang Araw na iyon ng Pahinga. At ipinakiusap nila kay Pilato na baliin ang
mga binti ng mga nasa krus at saka alisin.
32 Kaya pumaroon ang mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng una
at ng isa pang kasama niyang ipinako sa krus. 33 Ngunit pagsapit nila kay
Jesus, nakita nilang patay na siya kaya hindi nila binali ang kanyang mga
binti. 34 Gayunma’y sinibat ng isa sa mga sundalo ang kanyang tagiliran,
at biglang may umagos na dugo at tubig. 35 Ang nakakita ang nagpapatunay,
at totoo ang kanyang patunay. At Siya ang nakaaalam na totoo ang sinasabi niya
para maniwala kayo. 36 Gayon kailangang maganap ang Kasulatan: Walang babaliin sa
kanyang mga buto. 37 At sinasabi ng isa pang Kasulatan: Pagmamasdan nila
ang kanilang sinibat.
38 Pagkatapos ay nakiusap kay Pilato si Joseng taga-Arimatea – alagad
nga siya ni Jesus pero palihim dahil sa takot sa mga Judio – upang maalis
niya ang katawan ni Jesus. At pinahintulutan siya ni Pilato. Kaya pumaroon siya
at inalis ang katawan niya. 39 Pumaroon din si Nicodemo, ang pumaroon kay
Jesus nang gabi noong una, may dala siyang pinaghalong mira at aloe, na mga
sandaan libra. 40 Kaya kinuha nila ang katawan ni Jesus at binalot iyon sa
telang linen kasama ang mga pabango, gaya ng kaugalian ng mga Judio sa
paglilibing. 41Ngayon, may hardin sa lugar na pinagpakuan sa kanya at sa hardin
nama’y may libingang bago na wala pang nailalagay roon. 42 Kaya dahil
Paghahanda ng mga Judio at dahil malapit ang libingan – doon nila inilagay si
Jesus.
Ang Mabuting
Balita ng Panginoon.
No comments:
Post a Comment