Mabuting Balita: Lucas 15:1-3, 11-32
1 Lumapit kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan
para makinig. 2 Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng
Batas: “Tinatanggap niyan ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” 3 Kaya
sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila:
11 Sinabi pa rin ni Jesus: “May isang taong may dalawang anak na
lalaki. 12 Sinabi ng bunso sa kanyang ama: ‘Itay, ibigay na ninyo sa akin
ang parte ko sa mana.’ At hinati sa kanila ng ama ang ari-arian. 13 Pagkaraan
ng ilang araw, tinipon ng bunsong anak ang lahat ng kanya at naglakbay sa
malayong lupain. Doon niya winaldas ang sa kanya sa maluwag na pamumuhay.
14 Nang maubos na ang lahat sa kanya, nagkaroon ng matinding
taggutom sa lupaing ’yon at nagsimula siyang maghikahos. 15 Kaya pumunta
siya at namasukan sa isang tagaroon, at inutusan siyang mag-alaga ng mga baboy
sa bukid nito. 16 At gusto sana niyang punuin kahit na ng kaning-baboy
ang kanyang tiyan pero wala namang magbigay sa kanya.
17 Noon siya natauhan at nag-isip: ‘Gaano karaming arawan sa bahay
ng aking ama na labis-labis ang pagkain at namamatay naman ako dito sa gutom. 18 Titindig
ako, pupunta sa aking ama, at sasabihin ko sa kanya: ‘Itay, nagkasala ako
laban sa langit at sa harap mo. 19 Hindi na ako karapat-dapat pang tawaging
anak mo; ituring mo na akong isa sa iyong mga arawan.’
20 Kaya tumindig siya papunta sa kanyang ama. Malayo pa siya nang
matanaw ng kanyang ama at naawa ito, patakbo nitong sinalubong ang anak,
niyakap at hinalikan. 21 Sinabi sa kanya ng anak: ‘Ama, nagkasala ako
laban sa langit at sa harap mo; hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak
mo.’
22 Pero sinabi ng ama sa kanyang mga utusan: ‘Madali, dalhin ninyo
ang dati niyang damit at ibihis sa kanya; suutan ninyo ng sinsing ang kanyang
daliri at ng sapatos ang kanyang mga paa. 23 Dalhin at katayin ang
pinatabang guya, kumain tayo at magsaya 24 sapagkat namatay na ang anak
kong ito at nabuhay, nawala at natagpuan.’ At nagsimula silang magdiwang.
25 Nasa bukid noon ang panganay na anak. Nang pauwi na siya at
malapit na sa bahay, narinig niya ang tugtugan at sayawan. 26 Tinawag niya
ang isa sa mga utusan at tinanong kung ano ang nangyari. 27 Sinabi nito
sa kanya: ‘Nagbalik ang kapatid mo kaya ipinapatay ng iyong ama ang pinatabang
guya dahil nabawi niya siyang buhay at di naano.’
28 Nagalit ang panganay at ayaw pumasok kaya lumabas ang ama at
nakiusap sa kanya. 29 Sumagot naman siya sa ama: ‘Maraming taon na akong
nagsisilbi sa inyo at kailanma’y di ko nilabag ang inyong mga utos pero
kailanma’y di ninyo ako binigyan ng kahit na isang kambing na mapagpipiyestahan
namin ng aking mga kabarkada. 30 Ngunit dumating lamang ang anak ninyong
ito na lumustay sa inyong kayamanan sa mga babaeng bayaran, at ipinakatay pa ninyo
ang pinatabang guya.’
31 Sinabi sa kanya ng ama: ‘Anak, lagi kitang kasama at sa iyo rin
ang lahat ng akin. 32 Pero dapat lamang na magdiwang at magsaya dahil
namatay na ang kapatid mo at nabuhay, nawala at natagpuan’.”
Ang Mabuting
Balita ng Panginoon.
No comments:
Post a Comment