• 1 Ngayon may isang maysakit na Lazaro ang
pangalan. Taga-Betania siya, sa nayon ni Maria at ni Martang kapatid nito.
2 Si Maria ang nagpahid ng pabango sa Panginoon at nagpunas ng kanyang
buhok sa mga paa niya. At maysakit ang kapatid niyang si Lazaro.
3 Kaya nagsugo ang magkapatid kay Jesus para
sabihin: “Panginoon, maysakit ang iyong iniibig.” 4 Pagkarinig nito,
sinabi ni Jesus: “Hindi tungo sa kamatayan ang pagkakasakit na ito kundi alang-alang
sa ikaluluwalhati ng Diyos at luluwalhatiin ang Anak ng Tao sa pamamagitan
nito.” 5 Mahal ni Jesus si Marta at ang kapatid
nitong babae at si Lazaro.
6 Ngunit pagkarinig niyang may sakit ito,
dalawang araw pa siyang namalagi sa lugar na iyon. 7 Pagkaraan lamang
nito saka niya sinabi sa mga alagad: “Tayo na uli sa Judea.” 8 Sinabi sa
kanya ng mga alagad: “Rabbi, ngayon-ngayon lang eh pinagtatangkaan kang batuhin
ng mga Judio, at pupunta ka uli roon?”
9 Sumagot si Jesus: “Di ba’t labindalawang
oras meron sa maghapon? Hindi natitisod sinumang naglalakad sa araw sapagkat
nakikita niya ang liwanag ng mundong ito. 10 Ngunit natitisod ang
sinumang naglalakad sa gabi sapagkat wala sa kanya ang liwanag.”
11 Sinabi niya ito at saka niya winika sa
kanila: “Nahihimlay na ang kaibigan nating si Lazaro pero pupunta ako para
gisingin siya.” 12 Kaya sinabi ng mga alagad sa kanya: “Panginoon, kung
nahihimlay na siya, pagaling na siya.” 13 Ang pagkamatay niya ang
tinutukoy ni Jesus. Inakala naman nilang paghimlay na pagtulog ang sinasabi
niya. 14 Kaya noo’y lantarang sinabi sa kanila ni Jesus: “Patay na si
Lazaro.
15 Pero nagagalak ako para sa inyo at wala
ako roon kaya maniniwala kayo. Puntahan natin siya.” 16 Kaya sinabi ni
Tomas na tinaguriang Kambal sa kanyang mga kapwa-alagad: “Pumunta rin tayo at
mamatay kasama niya.” 17 Pagdating ni Jesus, apat na araw na palang nakalibing
si Lazaro. 18Malapit ang Betania sa Jerusalem, halos tatlong kilometro ang
layo. 19 Marami sa mga Judio ang pumunta kina Marta at Maria para makiramay
sa kanila sa kanilang kapatid.
20 Kaya pagkarinig ni Marta na dumarating
si Jesus, sinalubong niya ito. Si Maria naman ay nakaupo sa bahay. 21 At
sinabi ni Marta kay Jesus: “Panginoon, kung naririto ka, hindi sana namatay
ang kapatid ko. 22 Ngunit kahit na ngayon, alam kong anuman ang hingin mo
sa Diyos ay ibibigay sa iyo ng Diyos.”
23 Sinabi sa kanya ni Jesus: “Babangon ang
kapatid mo.” 24 Sinabi naman sa kanya si Marta: “Alam ko na babangon siya
sa pagkabuhay sa huling araw.” 25 Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako siyang
pagkabuhay (at ang buhay.) Mabubuhay ang nananalig sa akin kahit na mamatay
siya. 6 Hinding-hindi mamamatay kailanman ang bawat nabubuhay at
nananalig sa akin. Pinaniniwalaan mo ba ito?”
27 Sinabi niya sa kanya: “Opo, Panginoon.
Nananalig nga ako na ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos, na dumarating sa
mundo.” 28 Pagkasabi nito, umalis siya at pabulong na tinawag si Mariang
kapatid niya: “Narito ang Guro at tinatawag ka.” 29 Pagkarinig naman
nito, madali itong tumindig at pumunta sa kanya.
30 Hindi pa nakararating si Jesus sa nayon
kundi naroon pa kung saan siya sinalubong ni Marta. 31 Nakita ng mga
Judiong kasama ni Maria sa bahay at nakikiramay sa kanya na nagmamadali siyang
tumayo at lumabas kaya nagsunuran sila sa kanya sa pag-aakalang papunta siya sa
libingin upang doon humagulhol.
32 Pagkarating ni Maria sa kinaroroonan ni
Jesus at pagkakita sa kanya, nagpatirapa siya sa paanan nito at nagwika sa
kanya: “Panginoon, kung naririto ka, hindi sana namatay ang aking kapatid.” 33
Kaya nang makita ni Jesus na humahagulhol siya pati ang mga Judiong
nangagsisama sa kanya, nabagabag ang loob niya at naligalig ang sarili. 34 At
sinabi niya: “Saan n’yo siya inilagay?” Sinabi nila sa kanya: “Panginoon,
halika’t tingnan mo.”
35 Lumuha si Jesus. 36 Kaya sinabi ng
mga Judio: “Tingnan n’yo kung gaano ang pag-ibig niya sa kanya.”
37 Sinabi naman ng ilan sa kanila: “Pinadilat nga niya ang mga mata ng
bulag; hindi rin kaya niya magagawang huwag mamatay ang taong
ito?”38 Muling nabagabag ang sarili ni Jesus at dumating siya sa libingan.
Isang yungib ito, at may batong nakatakip doon.
39 Sinabi ni Jesus: “Alisin n’yo ang bato.”
Sinabi sa kanya ni Martang kapatid ng yumao: “Panginoon, nangangamoy na siya
ngayon dahil apat na araw na.” 40 Sinabi sa kanya ni Jesus: “Di ba’t
sinabi ko sa iyo, na kung nananalig ka, masasaksihan mo ang kaluwalhatian ng
Diyos?” 41 At inalis nila ang bato. Tumingala naman si Jesus – sinabi:
“Ama, pinasasalamatan kita pagkat dininig mo ako.
42 Alam kong lagi mo akong dinidinig ngunit
dahil sa mga taong nakapaligid kaya ako nangusap upang manalig na sila na ikaw
ang nagsugo sa akin.” 43 Pagkasabi niya nito, buong-lakas siyang sumigaw:
“Lazaro, halika sa labas!” 44 Lumabas ang namatay na natatalian ng telang
panlibing ang mga paa at kamay, at napupuluputan din ng panyo ang mukha niya.
At sinabi ni Jesus sa kanila: “Kalagan siya nang makalakad.”
45 Kaya nanalig sa kanya ang marami
sa mga Judiong pumunta kay Maria at nakasaksi sa kanyang ginawa.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
No comments:
Post a Comment