Mabuting Balita: Mateo 5:17-37
17 Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, huwag
ninyong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta.
Naparito ako hindi para magpawalang-bisa kundi upang magbigay-kaganapan.
18 At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nababago ang langit at
lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad.
19 Kung may lumabag sa pinakamaliit na
ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang
pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magturo ng
mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.
20 Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa
sa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kaharian
ng Langit.
21 Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga
ninuno: Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay lilitisin. 22 Sinasabi
ko naman sa inyo: Ang sinumang magalit sa kanyang kapatid ay lilitisin. Ang
sinumang manuya sa kanyang kapatid ay lilitisin sa Sanggunian. At ang sinumang
manghiya sa kanyang kapatid ay nararapat lamang itapon sa apoy ng impiyerno.
23 Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong
hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, 24 iwan mo muna
ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan mo ang iyong kapatid para makipagkasundo
sa kanya. At saka ka bumalik at ialay ang iyong hain sa Diyos.
25 Makipagkasundo na sa iyong kaaway habang
papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya
naman sa iyo sa pulisya na magkukulong sa iyo. 26 Talagang sinasabi ko sa
iyo: hindi ka makalalabas hangga’t di mo nababayaran ang kahuli-hulihang
sentimo.
• 27 Narinig na ninyo na sinabing:
Huwag kang makiapid. 28 Ngunit sinasabi ko naman sa inyo: ang sinumang
tumingin nang may pagnanasa sa isang babae ay nakiapid na rin sa kanyang puso.
29 Kaya kung ang iyong kanang mata ang
nagbubuyo sa iyo sa kasalanan, alisin mo ito at itapon! Makabubuti pa sa iyo
na mawalan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong katawan
sa impiyerno.
30 Kung ang iyong kanang kamay naman ang
nagbubuyo sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito at itapon! Mas makabubuti sa iyo
ang mawalan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong
katawan sa impiyerno. • 31 Sinabi rin namang: Kung may makikipagdiborsiyo
sa kanyang maybahay, bigyan niya ito ng katibayan. 32 Ngunit sinasabi ko
sa iyo: kung may magpaalis sa kanyang maybahay sa ibang dahilan maliban sa
kawalang-katapatan, pinapakiapid niya ito. At nakikiapid din ang nagpapakasal
sa babaeng diborsiyada.
• 33 Narinig na rin ninyo na sinabi sa
inyong mga ninuno: Huwag kang sisira sa iyong sinumpaan. Tuparin mo ang
sinumpaang pangako sa Panginoon. 34 Ngunit sinasabi ko naman sa inyo:
huwag kayong manumpa sa ngalan ng Langit pagkat naroon ang trono ng Diyos,
35 ni sa ngalan ng lupa pagkat ito ang tuntungan ng kanyang mga paa, ni sa
ngalan ng Jerusalem pagkat ito ang lunsod ng Dakilang Hari.
36 Huwag kang manumpa ni sa ngalan ng iyong
ulo pagkat ni hindi mo kayang paputiin o paitimin ni isang hibla ng iyong
buhok. 37 Sabihin mong oo kung oo at hindi kung hindi. Ano pa mang
sasabihin mo’y sa demonyo na galing.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
No comments:
Post a Comment