Tuesday, March 05, 2019

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para sa Marso 10, Unang Linggo ng Kuwaresma: Lucas 4:1-13

Mabuting Balita: Lucas 4:1-13
1 Umalis mula sa Jordan si Jesus na puspos ng Espiritu Santo at naglibot sa disyerto na akay ng Espiritu 2 sa loob ng apatnapung araw; at sinubok siya roon ng diyablo. Hindi siya kumain ng anuman sa loob ng mga araw na iyon at sa katapusa’y nagutom siya. 3 Sinabi sa kanya ng diyablo: “Kung ikaw ang anak ng Diyos, iutos mo sa batong ito na maging tinapay.” 4 Ngunit sumagot sa kanya si Jesus: “Sinasabi ng Kasulatan: Hindi sa tinapay lamang nabu-buhay ang tao.”

5 Pagkatapos ay itinaas niya si Jesus at ipinakita sa kanya sa isang kisap-mata ang lahat ng kaharian sa mundo. 6 Sinabi ng diyablo sa kanya: “Sa iyo ko ibibigay ang kapangyarihan sa lahat ng ito at ang kaluwalhatiang kalakip nito dahil sa akin ito ipinagkatiwala at maibibigay ko ito sa maibigan ko. 7 Kaya mapapasaiyo itong lahat kung magpapatirapa ka sa harap ko.” 8 Ngunit sumagot sa kanya si Jesus: “Sinasabi ng Kasulatan: Ang Panginoon mong Diyos ang iyong sasambahin at siya lamang ang iyong paglilingkuran.”

9 Pagkatapos ay dinala siya ng diyablo sa Jerusalem at itinayo siya sa nakausling pader ng Templo at sinabi sa kanya: “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, tumalon ka mula rito paibaba 10 sapagkat sinasabi ng Kasulatan: Iniutos niya sa kanyang mga anghel na pangalagaan ka at 11 bubuhatin ka nila para hindi matisod ang iyong paa sa bato.” 12 Ngunit sumagot si Jesus sa kanya: “Nasasaad: Huwag mong hamunin ang Panginoon mong Diyos.” 13 Kaya matapos siyang subukin ng diyablo sa lahat ng paraan, nilisan siya nito hanggang sa takdang panahon.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon   
+ + + + + + +
Repleksyon:

May isang lalaki na nag patukso sa isang bawal na pag-ibig. Siya ay palaging pinapayuhan ng kanyang kapatid na putulin na nya ang kanyang bawal na relasyon. Pero hindi siya nakinig at ang sabi pa niya ay siya ay hindi naman mahuhuli ng kanyang asawa. Hindi nga siya nahuli ng kanyang asawa. Pero ng siya ay namatay na ang kanyang kaluluwa ay agad na dinala ng demonyo sa impeyerno.

Ngayon po ay unang linggo ng kuwaresma at mababasa natin na si Jesus ay sinubok ang demonyo ng tatlong beses. Ang una ay gawing tinapay ang isang bato. Ang ikalawa ay bibigyan siya ng kapangyarihan  kung mag papatirapa siya sa kanyang harapan. At ang ikatlo ay ang tumalon siya sa nakausling pader ng templo pero ito ay hindi ginawa ni Jesus.

Bakit ba ang tao nag papatukso sa dimonyo? Bakit ba hindi nalang natin ito tanggihan? Simple lang ang sagot diyan at ito ay sa dahilan na mas gusto natin na tayo ang masusunod at hindi ang Diyos. Imbes na sundin ang kapangyarihan ng Diyos ay mas sinusunod natin ang ating gusto  na hindi maganda na palaging iminumungkahi sa atin ng demonyo.

Wala tayong makukuha kundi ang imperyerno kung susunod tayo sa gusto ng demonyo. Wala tayong makukuha kundi ang kapighatian kung ibebenta natin ang ating kaluluwa sa demonyo. Ano po ba ang nangyari kay Judas ng siya ay nagpatukso sa demonyo na ipagkanulo si Jesus (Mateo 27:3-5)? May nakuha bang mabuti si Judas ng ipinagkanulo  niya si Jesus? Wala rin po tayong makukuhang anumang mabuti pag tayo ay nag patukso sa mga pagsubok ni satanas.

Gawin po natin ang kuwaresmang ito para mas mapatatag pa ang ating relasyon kay Jesus. Para maiwasan natin ang anumang pagsubok at tukso na gagawin sa atin ng demonyo.

Ano bang mga bagay ang ginagawa mo para mas mapalakas pa ang iyong relasyon kay Jesus? – Marino J. Dasmarinas

No comments: