Sunday, May 03, 2026

Ang Mabuting Balita at Repleksyon Mayo 4 Lunes sa Ikalimang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay: Juan 14:21-26


Mabuting Balita: Juan 14:21-26
Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: "Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad nito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya, at ako'y lubusang magpapakilala sa kanya." Tinanong siya ni Judas hindi ang Iscariote, "Panginoon, bakit po sa amin lamang kayo magpapakilala nang lubusan at hindi sa sanlibutan?" 

Sumagot si Jesus, "Ang umiibig sa akin ay tutupad ng aking mga salita; iibigin siya ng aking ama, at kami'y sasakanya at mananahan sa kanya. Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad sa aking mga salita. Hindi akin ang salitang narinig ninyo, kundi sa Amang nagsugo sa akin. 

"Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito samantalang kasama pa ninyo ako. Ngunit ang Patnubay, ang Espiritu Santo na susuguin ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalaala ng lahat ng sinabi ko sa inyo.

+ + + + + + +
Repleksyon:
Lagi ba nating nadarama ang walang hanggang pag-ibig ng Diyos sa ating buhay? O may mga sandali bang tayo ay nagdududa, lalo na kapag tayo ay nanghihina, nasasaktan, o may pinagdaraanan?

Ilang taon na ang nakalilipas, tuwing Linggo ng umaga, binibisita ko ang isang babaeng may karamdaman upang siya’y mabigyan ng Banal na Kumonyon. Matapos kung basahin sa kanya ang Ebanghelyo ng Linggo, mapagpakumbaba siyang humihiling na magbahagi ng maikling pagninilay bago tumanggap ng Banal na Komunyon.

Isang pagninilay na ibinahagi niya ang tumimo nang malalim sa aking puso. Ikinuwento niya ang tungkol sa pag-ibig ng Diyos sa kanyang buhay. Sabi niya, noong siya ay malakas at nasa mabuting kalusugan pa, hindi siya pumapalya sa pagdalo sa Banal na Misa tuwing Linggo bilang pagpapahayag ng kanyang taos-pusong pag-ibig sa Diyos.

Ngunit higit na nakaaantig ang kanyang sinabi: ngayon na siya ay may sakit at hindi na makapagsimba, patuloy pa rin niyang nadarama ang parehong pag-ibig ng Diyos. Bakit? Sapagkat patuloy siyang pinananatili at pinalalakas ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Katawan, Dugo, Kaluluwa at Pagka-Diyos.

Sa Ebanghelyo, ipinapaalala sa atin ni Hesus: “Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya at ihahayag ko ang aking sarili sa kanya (Juan 14:21).” Ang mga salitang ito ay hindi lamang pangako—ito ay buhay na katotohanan. Nakikita natin ito sa buhay ng babaeng ito: minahal niya ang Diyos sa panahon ng kanyang kalakasan, at sa kanyang kahinaan ay lalo niyang naranasan ang pag-ibig na iyon ng Diyos.

Ipinapaalala nito sa atin ang isang mahalagang katotohanan: ang ating buhay ay maikli, marupok, at walang katiyakan. Habang tayo ay malakas at may kakayahan pa, inaanyayahan tayong tumugon sa pag-ibig ng Diyos—lumapit sa Kanya, dumalo sa Banal na Misa, at ialay ang ating mga puso sa pagsamba at pasasalamat.

At kung dumating ang panahon na tayo ay hindi na makalabas dahil sa katandaan o karamdaman, maaari pa rin tayong makiisa sa Kanya sa pamamagitan ng panalangin, espiritual kumonyon at pakikibahagi sa Misa sa pamamagitan ng telebisyon o online.

Hindi natin ito ginagawa dahil may inaasahan tayong kapalit. Ginagawa natin ito dahil umiibig tayo—dahil una tayong inibig ng Diyos sa paraang hindi natin lubos na mauunawaan.

Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi nababawasan sa ating kahinaan. Sa halip, lalo itong nagiging malinaw, mas malapit, at higit na nagbibigay-buhay. Hindi kailanman nawawala ang pag-ibig ng Diyos sa atin—ang tanong ay kung hinahayaan ba nating tanggapin ito at suklian ng ating buong buhay.

Kaya ngayon, sandali tayong magnilay:

Sa lakas na mayroon tayo ngayon, maging sa darating na kahinaan at pagkakasakit, paano natin isinasabuhay ang ating pag-ibig sa Diyos—at hinahayaan ba nating baguhin ng Kanyang pag-ibig ang ating buhay?—Marino J. Dasmarinas

No comments: