Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: ipinasiya ng
isang hari na pagbayarin ang kanyang mga lingkod na may utang sa kanya. Unang
dinala sa kanya ang isang may utang na sampung milyung piso. Dahil sa siya’y
walang ibayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, ang kanyang asawa, mga anak,
at lahat ng ari-arian, upang makabayad.
Nanikluhod ang taong ito sa harapan ng hari at nagmakaawa: ‘Bigyan
pa ninyo ako ng panahon, at babayaran ko sa inyo ang lahat.’ Naawa sa kanya ang
hari kaya ipinatawad ang kanyang mga utang at pinayaon siya. “Ngunit pagkaalis
niya roon ay nakatagpo niya ang isa sa kanyang kapwa lingkod na may utang na
limandaang piso sa kanya.
Sinunggaban niya ito at sinakal, sabay wika: ‘Magbayad ka ng utang mo!’ Naglumuhod iyon at nagmakaawa sa kanya: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran kita.’ Ngunit hindi siya pumayag; sa halip ipinabilanggo niya ang kanyang kapwa lingkod hanggang sa ito’y makabayad. Nang makita ng kanyang mga kapwa lingkod ang nangyari, sila’y labis na nagdamdam; pumunta sila sa hari at isinumbong ang nangyari.
Kaya’t
ipinatawag siya ng hari. ‘Ikaw – napakasama mo!’ Sabi niya. ‘Pinatawad kita sa
utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. Nahabag ako sa iyo; hindi ba dapat ka
ring mahabag sa kapwa mo?’ At sa galit ng hari, siya’y ipinabilanggo hanggang
sa mabayaran niya ang kanyang utang. Gayun din ang gagawin sa inyo ng aking
Amang nasa langit kung hindi ninyo patatawarin ang inyong kapatid.
Matapos siyang gumaling mula sa kanyang karamdaman, gumawa siya ng isang mahalagang pasiya sa kanyang buhay. Pinili niyang huwag nang magtanim pa ng sama ng loob sa kanyang puso. Mula noon, sinikap niyang magpatawad. At habang unti-unti niyang pinapalaya ang sarili mula sa galit at kapaitan na matagal niyang kinimkim, may kakaibang kapayapaan siyang nadama. Para siyang isang ibong nakawala mula sa hawla—malaya at magaan ang pakiramdam.
Normal lamang ba sa atin na makaramdam ng galit o magkimkim ng sama ng loob? Oo, sapagkat tayo ay mga taong may damdamin. May mga pagkakataong tayo ay nasasaktan, nasisigawan, o hindi mabuti na tinatrato. Dahil ditto ay madaling nakakapasok ang sakit sa ating mga puso. Ngunit nagsisimula ang panganib kapag hinahayaan nating manatili nang matagal ang galit o sama ng loob sa ating kalooban—kapag binibigyan natin ito ng lugar sa ating puso.
Kapag nararamdaman nating nagsisimulang mangibabaw ang sama ng loob sa atin, iyon ang sandali na kailangan nating hayaang mangibabaw ang turo ni Hesus tungkol sa kapatawaran kaysa sa ating makasarili at mapanirang damdamin.
Sa Ebanghelyo, tinanong ni Pedro si Hesus, “Panginoon, kung ang aking kapatid ay magkasala laban sa akin, ilang ulit ko siyang patatawarin? Hanggang pitong beses ba?” Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa iyo, hindi lamang pitong beses kundi pitumpu’t pitong ulit” (Mateo 18:21–22).
Simple ang turong ito ni Hesus, ngunit napakalalim ng kahulugan para sa ating lahat. Ipinapaalala ng Panginoon na ang kapatawaran ay hindi dapat sinusukat o binibilang. Sa halip, ito ay dapat kasama na ng ating araw-araw na pamumuhay. Natural lamang na tayo ay masaktan, ngunit huwag nating hayaang kontrolin tayo ng sakit na iyon o mag-iwan ito ng sugat na pangmatagalan sa ating puso.
Mapapalaya lamang tayo mula sa mapanirang kapangyarihan ng galit—kapag pinili nating patawarin ang mga nakasakit sa atin.
Ano ang mangyayari kung hindi tayo magpapatawad? Kapag pinili nating kumapit sa sama ng loob, tayo rin ang nasasaktan. Para nating ikinukulong ang ating sarili sa isang di-nakikitang bilangguan na ang pangalan ay hindi pagpapatawad. Unti-unti, pinabibigat nito ang ating puso, tinatangal ang ating kapayapaan, at inuubos ang ating kagalakan.
Ngunit kapag sinunod natin ang turo ni Hesus tungkol sa kapatawaran, may magandang pagbabago na nagaganap sa ating kalooban. Gumagaan ang ating pakiramdam. Ang mabigat na pasaning matagal nating dala ay unti-unting nawawala. Bumabalik ang kapayapaan sa ating puso. Nararanasan natin ang tunay na kalayaan na nagmumula sa pagpapatawad.
Hindi ba’t lahat tayo ay naghahangad na makaramdam ng gaan, kapayapaan, at kalayaan mula sa bigat ng galit at sama ng loob?
Ngayon ay inilalagay ng Panginoon sa ating harapan ang dalawang landas. Maaari nating piliin ang landas ng walang hanggang kapatawaran na itinuro ni Hesus, o maaari nating ipagpatuloy ang pagdadala ng mabigat na pasanin ng hindi pagpapatawad. Ang isang landas ay patungo sa kapayapaan at kalayaan ng puso; ang isa naman ay patungo sa pagkakakulong ng ating damdamin.
Sa tulong ng biyaya ng Diyos, nawa’y piliin natin ang mas mabuting landas—ang landas ng kapatawaran.
Mayroon pa bang taong hindi natin mapatawad hanggang ngayon? Handa ba nating palayain ang ating puso sa pamamagitan ng pagpapatawad upang maranasan natin ang tunay na kapayapaan na nais ibigay ni Hesus sa atin?— Marino J. Dasmarinas

No comments:
Post a Comment