Friday, January 23, 2026

Ang Mabuting Balita at Repleksyon sa Enero 25 Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon: Mateo 4:12-23


Mabuting Balita: Mateo 4:12-23
Noong panahong iyon, nabalitaan ni Hesus na ibinilanggo si Juan, kaya’t bumalik siya sa Galilea. Ngunit hindi na siya sa Nazaret nanirahan kundi sa Capernaum. Ang bayang ito ay nasa baybayin ng Lawa ng Galilea, sa mga hangganan ng Zabulon at Neftali. Sa gayo’y natupad ang sinabi ni Propeta Isaias: 

“Ang lupain ng Zabulon at lupain ng Neftali daanan sa gawing dagat sa ibayo ng Jordan, Galilea ng mga Hentil! Itong bayang nag-apuhap sa gitna ng kadiliman sa wakas ay nakakita ng maningning niyang ilaw!Liwanag na taglay nito’y siya ngayong tumatanglaw sa lahat ng nalugami sa lilim ng kamatayan!” 

Magmula noon ay nangaral na si Hesus. Ang sabi niya, “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang maghari ang Diyos.” 

Sa paglalakad ni Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag na Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. Sila’y naghahagis ng lambat. Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mamamalakaya ng mga tao.” Noon di’y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Hesus. 

Nagpatuloy siya sa paglakad at nakita rin niya ang magkapatid na Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo. Sila’y nasa bangka, kasama ng kanilang ama, at naghahayuma ng lambat. Tinawag din sila ni Hesus. Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Hesus. 

Nilibot ni Hesus ang buong Galilea. Nagtuturo sa mga sinagoga at ipinangangaral ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinagaling din niya ang mga tao sa kanilang mga sakit at karamdaman.

+ + + + + + +
Repleksyon:
Napapansin ba natin na patuloy tayong tinatawag ni Jesus na sumunod sa Kanya—dito mismo, sa kinalalagyan natin, at kung ano man ang ating kalagayan?

Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Dagat ng Galilea, nakita Niya ang dalawang magkapatid—si Simon na tinatawag na Pedro at ang kapatid niyang si Andres—na naghahagis ng lambat sa dagat, sapagkat sila ay mga mangingisda. At sinabi Niya sa kanila: “Sumunod kayo sa Akin, at gagawin Ko kayong mamamalakaya ng mga tao” (Mateo 4:18–19).

Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa Kanya. Pagkaraan, nakita naman Niya ang dalawa pang magkapatid—si Santiago na anak ni Zebedeo at ang kapatid niyang si Juan. Tinawag din Niya sila, at agad nilang iniwan ang kanilang bangka at ang kanilang ama upang sumunod sa Kanya.

Ano kaya ang nakita ng apat na karaniwang mangingisdang ito kay Jesus upang sila’y sumunod nang walang pag-aalinlangan? Maaari sana silang humiling ng panahon upang mag-isip. Maaari sana nilang sabihin, “Pag-isipan muna natin.” Maaari sana nilang ipagpaliban ang kanilang pasya. Ngunit hindi nila ginawa iyon. May kung ano sa tinig ni Jesus, may kung ano sa Kanyang presensya, na umantig sa kanilang mga puso at nagbigay sa kanila ng lakas ng loob na iwan ang lahat.

Marahil nakita nila kay Jesus hindi lamang isang guro, kundi isang Tagapagligtas. Hindi lamang isang Panginoon, kundi isang tunay na kaibigan—isang kaibigang sasamahan sila sa gitna ng kanilang mga paghihirap, isang kaibigang hindi mag-iiwan kailanman, at isang kaibigang magbibigay ng bagong kahulugan sa kanilang buhay.

Ang pagsunod kay Jesus ay hindi laging madali. Hindi ito laging isang landas na puno ng ginhawa. Madalas, ito ay daan ng sakripisyo, pagsubok, at pagpapasan ng krus. Totoo ang kasabihang: “Ang pagsunod kay Hesus ay laging tama, ngunit hindi laging madali.” Ito ang malinaw na ipinapakita sa atin ng buhay ng mga apostol, ng mga martir, at ng mga santo ng Simbahan.

Pero, sa kabila ng lahat ng pagsubok, hindi tayo kailanman nag-iisa. Dahil ang presensya ni Hesus ay lagging nasa ating tabi, na nagpapalakas sa atin kapag tayo’y nanghihina, tumutulong sa ating bumagon kapag tayo’y nadarapa, at hindi nagsasawang makinig sa ating mga hinaing at tulungan tayong mag pasan n gating krus. Gaano man kabigat ang ating mga krus, nananatili Siyang tapat. Nanatili Siyang malapit. Nanatili Siyang ating pag-asa.

Hanggang ngayon, patuloy na dumarating at tumatawag si Hesus sa nang may pagmamahal. Tinatawag Niya tayo sa ating pangalan. Inaanyayahan Niya tayong iwan ang anumang humahadlang sa atin upang lubos Siyang pagtiwalaan at sumunod sa Kanya nang buong puso.

Tinatawag tayo ni Hesus—ngayon, sa sandaling ito. Ang tanong na lamang ay ito: ano ang mga “lambat” na mahigpit pa rin nating hawak, at handa na ba talaga tayong iwan ang mga ito upang sumunod sa Kanya nang walang pag-aalinlangan? —Marino J. Dasmarinas

No comments: