Monday, June 12, 2023

Ang Mabuting Balita para sa Linggo Hunyo 18, Ika – 11 Linggo sa Karaniwang Panahon: Mateo 9:36-10:8


Mabuting Balita: Mateo 9:36-10:8
Noong panahong iyon, nilibot ni Hesus ang mga bayan at nayon at nagturo sa mga sinagoga. Ipinangaral niya ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos, at pinagaling ang mga may sakit, anuman ang kanilang karamdaman. 

Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila’y lito at lupaypay, parang mga tupang walang pastol. Kaya’t sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Sagana ang anihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng anihin na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang anihin.”

Tinipon ni Hesus ang labindalawang alagad at binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng mga may karamdaman. Ito ang pangalan ng labindalawang apostol: si Simon na tinatawag na Pedro at si Andres na kanyang kapatid; sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo; sina Felipe at Bartolome; si Tomas, at si Mateo na publikano; si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo; si Simong makabayan at si Judas Iscariote, ang nagkanulo kay Hesus.

Ang labindalawang ito’y sinugo ni Hesus at kanyang pinagbilinan: “Huwag kayong pupunta sa lugar ng mga Hentil, o sa alinmang bayan ng mga Samaritano. Sa halip ay hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel. Humayo kayo at ipangaral ninyo na malapit nang maghari ang Diyos.”

Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin ninyo ang mga ketongin at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad.” 

No comments: