Mabuting Balita: Mateo 16:21-27
Mula noon ay ipinaalam na ni Jesus sa
kanyang mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, "Dapat akong
magtungo sa Jerusalem at magdanas ng maraming hirap sa kamay ng mga pinuno ng
bayan, mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Ako'y papatayin, ngunit
sa ikatlong araw ako'y muling mabubuhay."
Dinala siya ni Pedro sa isang tabi at
sinimulang pagalitan, "Panginoon, huwag nawang itulot ng Diyos! Kailanma'y
hindi iyan mangyayari sa inyo." Ngunit hinarap siya ni Jesus at sinabihan,
"Umalis ka sa harapan ko, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip
mo'y hindi sa Diyos kundi sa tao."
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad,
"Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang
kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. Ang naghahangad
na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang
buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito.
Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang
tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang
sarili? Ano ba ang maibabayad ng isang tao para mabawi niya ang kanyang buhay?
Sapagkat darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel, at taglay
ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama. Sa panahong iyo'y gagantimpalaan
niya ang bawat tao ayon sa ginawa nito.
No comments:
Post a Comment