Sunday, August 02, 2020

Ang Mabuting Balita para sa Agosto 3, Lunes; sa Ika-18 na Linggo ng Taon: Mateo 14:22-36


Mabuting Balita: Mateo 14:22-36
22 Agad pinasakay ni Jesus sa bang­ka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. 23 At pagkaalis ng mga tao, mag-isa siyang pumunta sa kaburulan para mana­langin. Nag-iisa siya roon nang gumabi. 24 Samantala, malayo na sa lupa ang bangka, sina­salpok ng mga alon sapag­kat pasa­lungat ang hangin.

25 Nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat. 26 Nang makita nila siyang nag­la­lakad sa dagat, natakot sila, at akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. 27 Ngunit agad niyang sinabi sa kanila: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” 28 Sumagot si Pedro: “Panginoon, kung ikaw nga, papuntahin mo ako sa iyo na naglalakad sa tubig.”

29 At sinabi niya: “Halika.” Bumaba naman sa bangka si Pedro at naglakad sa tubig papunta kay Jesus. 30 Ngunit natakot siya sa harap ng malakas na hangin at nagsimulang lumubog. Kaya sumigaw siya: ”Panginoon, iligtas mo ako!” 31 Agad na iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinawakan siya, at sinabi: “Taong maliit ang pananampalataya, bakit ka nag-alin­langan?”

32 Nang nakasakay na sila sa bang­ka, tumigil ang hangin. 33 At yumuko sa harap ni Jesus ang mga nasa bangka at sinabi: “Totoo ngang ikaw ang Anak ng Diyos!” 34 Pagkatawid nila, dumating sila sa pampang ng Gene­saret. 35 Nakilala si Jesus ng mga tagaroon at ipinamalita nila sa buong kapaligiran. Kaya dinala nila sa kanya ang mga maysakit. 36 May naki­usap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gu­maling ang lahat ng humipo rito.

No comments: