Mabuting
Balita: Mateo 14:22-36
22 Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa
kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. 23 At pagkaalis ng mga
tao, mag-isa siyang pumunta sa kaburulan para manalangin. Nag-iisa siya roon
nang gumabi. 24 Samantala, malayo na sa lupa ang bangka, sinasalpok ng
mga alon sapagkat pasalungat ang hangin.
25 Nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa
dagat. 26 Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, natakot sila, at
akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. 27 Ngunit agad niyang sinabi
sa kanila: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” 28 Sumagot
si Pedro: “Panginoon, kung ikaw nga, papuntahin mo ako sa iyo na naglalakad sa
tubig.”
29 At sinabi niya: “Halika.” Bumaba naman sa bangka si Pedro at
naglakad sa tubig papunta kay Jesus. 30 Ngunit natakot siya sa harap ng
malakas na hangin at nagsimulang lumubog. Kaya sumigaw siya: ”Panginoon,
iligtas mo ako!” 31 Agad na iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at
hinawakan siya, at sinabi: “Taong maliit ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?”
32 Nang nakasakay na sila sa bangka, tumigil ang hangin.
33 At yumuko sa harap ni Jesus ang mga nasa bangka at sinabi: “Totoo ngang
ikaw ang Anak ng Diyos!” 34 Pagkatawid nila, dumating sila sa pampang ng
Genesaret. 35 Nakilala si Jesus ng mga tagaroon at ipinamalita nila sa
buong kapaligiran. Kaya dinala nila sa kanya ang mga maysakit. 36 May nakiusap
sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling
ang lahat ng humipo rito.
No comments:
Post a Comment