Mabuting
Balita: Mateo 8:5-17
5 Pagdating ni Jesus sa Capernaum lumapit sa kanya ang isang
kapitan at nakiusap sa kanya: 6 “Ginoo, nakahiga sa bahay ang aking
katulong. Lumpo siya at sobra na ang paghihirap…” 7 Sinabi sa kanya ni
Jesus: “Paroroon ako at pagagalingin ko siya.”
8 Sumagot ang kapitan: “Hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa
bahay ko. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. 9 May
nag-uutos sa akin at may inuutusan din ako, at pag sinabi ko sa isa sa mga
kawal na nasa ilalim ko: ‘Pumaroon ka,’ pumaparoon siya. At sinasabi ko naman
sa isa pa: ‘Pumarito ka,’ at pumaparito siya; at sa aking katulong: ‘Gawin mo
ito,’ at ginagawa niya ito.”
10 Nang marinig ito ni Jesus, humanga siya at sinabi sa mga sumusunod
sa kanya: “Sinasabi ko sa inyo, wala pa akong natagpuang ganitong paniniwala sa
Israel. 11 Sinasabi ko sa inyo: marami ang darating mula sa silangan at sa
kanluran para makisalo kina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng Langit.
12 At itatapon naman sa kadiliman ang mga tagapagmana ng Kaharian; at
doon ang iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.”
13 At sinabi ni Jesus sa kapitan: “Umuwi ka at mangyayari ang pinaniniwalaan
mo.” At gumaling ang katulong sa oras ding iyon. 14 Pagpasok naman ni
Jesus sa bahay ni Pedro, nakita niya ang biyenan ni Pedro na may lagnat at nakahiga.
15 Hinawakan niya ito sa kamay at nawala ang lagnat nito. Kaya bumangon
ito at nagsimulang maglingkod sa kanya.
16 Pagkalubog ng araw, dinala nila kay Jesus ang mga taong
inaalihan ng masasamang espiritu, at sa isang salita lamang ay napalayas niya
ang mga ito. Pinagaling din niya ang mga maysakit. 17 Sa ganitong paraan
natupad ang sinabi ni Propeta Isaias: Kinuha niya ang ating mga sakit at
pinasan ang ating mga karamdaman.
Ang Mabuting
Balita ng Panginoon.
No comments:
Post a Comment