Mabuting Balita: Marcos 10:17-30
Alam mo ang mga utos: 'Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang magsisinungaling sa iyong pagsaksi; huwag kang magdadaya; igalang mo ang iyong ama't ina.' " "Guro," sabi ng lalaki, ang lahat po ng iya'y tinutupad ko na mula pa sa aking pagkabata."
Magiliw siyang tinitigan ni Jesus, at sinabi sa kanya, "Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ibigay sa mga dukha ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin." Namanglaw ang lalaki nang marinig ito, at malungkot na umalis, sapagkat siya'y napakayaman.
Tiningnan ni Jesus ang mga nasa paligid niya at sinabi sa kanyang mga alagad, "Napakahirap mapabilang ang mayayaman sa mga pinaghaharian ng Diyos." Nagtaka ang mga alagad sa pananalitang ito. Muling sinabi ni Jesus, "Mga anak, talagang napakahirap mapabilang sa mga pinaghaharian ng Diyos!
Madali pang makaraan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa pasakop sa paghahari ng Diyos ang isang mayaman." Lalong nagtaka ang mga alagad, kaya't sila'y nagtanungan, "Kung gayo'y sino ang maliligtas?" Tinitigan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, "Hindi ito magagawa ng tao, ngunit hindi ito mahirap sa Diyos. Magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay."
At nagsalita si Pedro, "Tingnan po ninyo, iniwan namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo." Sinabi ni Jesus, "Tandaan ninyo ito: ang sinumang mag-iwan ng bahay, o mga kapatid, ina, ama, mga anak, mga lupa, dahil sa akin at sa Mabuting Balita, ay tatanggap ng makasandaang ibayo sa buhay na ito-- mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupa--ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa kabilang buhay ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan."