At sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan, 'Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok na kayo at manirahan sa kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang sanlibutan. Sapagkat ako'y nagutom at inyong pinakain, nauhaw at inyong pinainom. Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy. ako'y walang maisuot at inyong pinaramtan, nagkasakit at inyong dinalaw; ako'y nabilanggo at ako'y inyong pinuntahan.'
Sasagot ang mga matuwid, 'Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya'y walang maisuot at aming pinaramtan? At kailan po namin kayo nakitang may sakit o nasa bilangguan at aming dinalaw?' Sasagutin ng Hari, 'Sinasabi ko sa inyo: nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, ito ay sa akin ninyo ginawa.'
"At sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, 'Lumayo kayo sa akin, mga sinumpa! kayo'y pasa-apoy na di-mamamatay, na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. Sapagkat ako'y nagutom at hindi ninyo pinakain, nauhaw at hindi ninyo pinainom. Ako'y naging isang dayuhan at hindi ninyo pinatuloy; ako'y nawalan ng maisuot at hindi ninyo pinaramtan, ako'y may sakit at nasa bilangguan at hindi ninyo dinalaw.'
At sasagot din sila, 'Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, naging dayuhan, nawalan ng maisuot, may sakit o nasa bilangguan, at hindi namin kayo pinaglingkuran?' At sasabihin sa kanila ng Hari, 'Sinasabi ko sa inyo: nang pinagkaitan ninyo ng tulong ang pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.' Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay tatanggap ng buhay na walang hanggan."