Mabuting Balita: Lucas 16:19-31
Sinabi ni Jesus sa mga pariseo 19 May isang mayaman na nakabihis
ng magarang damit at pinong linen at parang piyesta ang kanyang buhay sa
araw-araw. 20 Nakahandusay naman sa may pintuan niya ang isang dukhang
nagngangalang Lazaro. Tadtad siya ng mga sugat 21 at gusto sana niyang kainin
ang mumong nahuhulog sa hapag ng mayaman; sa halip ay mga aso ang lumalapit sa
kanya at hinihimuran ang kanyang mga sugat.
22 At namatay ang dukha at dinala siya ng mga anghel sa piling ni
Abraham. Namatay rin naman ang mayaman at inilibing. 23 Nang nasa
impiyerno na siya, tumingala siya sa kanyang pagdurusa at natanaw sa malayo si
Abraham at si Lazaro sa piling nito. 24 Kaya sumigaw siya: ‘Amang
Abraham, maawa ka sa akin at utusan mo naman si Lazaro na isawsaw niya sa tubig
ang dulo ng kanyang daliri para paginhawahin ang aking dila dahil lubha akong
naghihirap sa lagablab na ito.’
25 Sumagot si Abraham: ‘Anak, alalahanin mong tinanggap mo na sa
buhay mo ang mabuti sa iyo at kay Lazaro naman ang masasama. Kaya siya ngayon
ang nasa ginhawa at ikaw ang nagdurusa. 26 At isa pa’y malawak na
kabundukang di matatawid ang itinakda sa pagitan natin. Kaya hindi makatatawid
ang mga may gustong pumunta riyan galing dito, at hindi rin naman makatatawid
ang mula riyan papunta rito.’
27 Sumagot ang mayaman: ‘Kaya ipinakikiusap ko sa iyo, Ama, na papuntahin
mo si Lazaro sa bahay ng aking ama, 28 kung saan naroon ang lima kong
kapatid para babalaan sila upang di sila mapunta sa lugar na ito ng pagdurusa.’
29 Sumagot si Abraham: ‘Nasa kanila si Moises at ang mga propeta, makinig
sila sa mga ito.’ 30 Sinabi niya: ‘Hindi gayon, Amang Abraham; kung isa sa
mga patay ang pupunta sa kanila, magsisisi sila.’
31 Sinabi ni Abraham: ‘Kung hindi
nila pakikinggan si Moises at ang mga propeta, bumangon man ang isa
sa mga patay ay hindi pa rin sila maniniwala’.”
Ang Mabuting
Balita ng Panginoon.