Mabuting
Balita: Lucas 1:5-25
5 Sa kapanahunan ni Herodes na hari ng Judea, may isang
paring nagngangalang Zacarias, mula sa pangkat ni Abias. Mula rin sa lahi ni
Aaron ang kanyang asawa na Elizabeth ang pangalan. 6 Kapwa sila matuwid
sa harap ng Diyos at namumuhay nang walang kapintasan ayon sa lahat ng batas at
kautusan ng Panginoon. 7 Ngunit wala silang anak dahil baog si Elizabeth
at kapwa matanda na sila.
8 Minsan, habang naglilingkod si Zacarias sa harap ng Diyos nang
turno pa ng kanyang pangkat, 9 nagpalabunutan sila ayon sa kaugalian ng
kaparian at siya ang napiling pumasok sa santuwaryo ng Panginoon para magsunog
ng insenso. 10 Kaya sa oras ng pag-aalay ng insenso habang nananalangin
ang buong bayan sa labas, 11napakita sa kanya ang anghel ng Panginoon, nakatayo
sa gawing kanan ng altar ng insenso. 12 Naligalig si Zacarias at sinidlan
ng takot pagkakita rito.
13 Ngunit sinabi sa kanya ng anghel: “Huwag kang matakot, Zacarias;
dininig na ang iyong panalangin. Ipanganganak sa iyo ng asawa mong si
Elizabeth ang isang anak na lalaki, at pangangalanan mo siyang Juan. 14 Magiging
ligaya at tuwa mo siya, at marami rin ang magagalak dahil sa kanyang pagsilang.
15 Magiging dakila nga siya sa harap ng Panginoon. Hindi siya iinom
ng alak ng ubas o ng butil at mapupuspos siya ng Espiritu Santo mula sa sinapupunan
ng kanyang ina. 16 Panunumbalikin niya ang maraming anak ng Israel sa
Panginoong kanilang Diyos. 17 Mangunguna siya sa Panginoon taglay ang
diwa at kapangyarihan ni Elias para papagkasunduin
ang mga magulang at mga anak, at ibalik ang mga masuwayin sa pag-unawang
bagay sa mga makatarungan upang maihanda ang isang bayang angkop sa
Panginoon.”
18 Sinabi naman ni Zacarias sa anghel: “Paano ko ito matitiyak?
Matanda na nga ako at may katandaan na rin ang aking asawa.” 19 Sumagot
ang anghel at sinabi sa kanya: “Ako si Gabriel na nasa harap ng Diyos. Ako ang
sinugo sa iyo para kausapin ka’t ihatid ang magandang balitang ito. 20 Matutupad
sa takdang panahon ang aking mga salita; ngunit ikaw na di naniniwala ay
magiging pipi at di makapagsasalita hanggang sa araw na mangyari ang mga
ito.”
21 Naghihintay naman kay Zacarias ang bayan at nagtataka sa
pagtatagal niya sa loob ng santuwaryo. 22 Nang lumabas siya, hindi na siya
makapagsalita kaya nalaman nilang nakakita siya ng isang pangitain sa loob ng
santuwaryo. Sumesenyas na lamang siya sa kanila at nanatiling pipi.
23 Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod, umuwi si Zacarias.
24 At pagkaraan ng mga araw, nagdalantao ang asawa niyang si Elizabeth
ngunit limang buwan itong di lumabas ng bahay at sinabi: 25 “Ito’y gawa ng
Panginoon! Ipinasya niyang alisin ang kahihiyan ko sa paningin ng mga tao.”
Ang Mabuting
Balita ng Panginoon.