Mabuting Balita: Mateo
21:28-32
28 Sinabi ni Jesus
sa mga saserdote at matatanda ng bayan: “Ano sa palagay ninyo? May dalawang
anak ang isang tao. Lumapit siya sa isa at sinabi: ‘Anak, pumunta ka ngayon at magtrabaho
sa aking ubasan.’ 29 Sumagot ang anak: ‘Ayoko.’ Ngunit pagkatapos ay
nagbagong-isip siya at pumunta. 30 Pinuntahan din ng ama ang pangalawang anak
at gayundin ang sinabi. Sumagot naman ang anak: ‘Opo.’ Pero hindi siya pumunta.”
31 At itinanong ni Jesus: “Sino sa dalawang anak ang tumupad sa gusto ng ama?”
Sumagot sila: “Ang una.” At sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: mas
nauuna sa inyo patungo sa kaharian ng Langit ang mga publi-kano at mga babaeng
bayaran. 32 Dumating nga si Juan para ipakita sa inyo ang daan ng kabutihan
pero hindi kayo naniwala sa kanya, samantalang naniwala naman ang mga publikano
at mga babaeng bayaran. Nakita ninyo ito at hindi kayo nagsisi o naniwala sa
kanya.
+ + + + + + +
Repleksyon:
Ano po ang gagawin
mo pag narinig mo ang boses ng Diyos na nagsasabi na tumalikod kana sa kasalanan?
Papakinggan mo lang ba ito? O papakingan at tatalikod kana sa mga kasalanan para mamuhay na ng naaayon sa kagustuhan
ng Diyos. Marahil ay marami sa atin ang babaliwalain lang itong pagtawag sa
atin ng Panginoon na magbagong buhay na. At patuloy lang tayong mamumuhay sa
kasalanan.
Pero hindi tayo
ginawa ng Diyos para mabuhay para sa mundong ito lamang. Dahil mayroong kasunod
o susunod pa sa ating buhay sa mundong ito. At ito ay walang iba kundi ang
langit o ang impiyerno.
Sa ating pong mabuting
balita ay may isang anak na sinabihan ng kanyang ama na mag trabaho sa kanilang
ubasan. Ang agarang sagot ng kanyang anak ay hindi siya pupunta sa ubasan. Pero
pagkatapos na sabihin na siya ay hindi
pupunta ay nag bago ang kanyang isip at pumunta na siya sa ubasan ng kanyang
ama para doon ay mag trabaho.
Ang ating Panginoong
Diyos sa ating mga pagbasa at mabuting balita ngayong lingo ay nag sasabi sa
atin na tumalikod na tayo sa ating mga kasalanan. Sinasabi ng Diyos sa atin na
katulad ng anak nag bago ng kanyang isip. Tayo rin po ay kailagan ng mag
desisyon na baguhin na ang ating pag iisip at tuluyan ng tumalikod sa anumang
kasalanan.
Hindi na po importante
sa Diyos ang mga nakaraan na hindi natin pinansin ang kanyang panawagan na tayo
ay mag bagong buhay na. Ang mahalaga sa Diyos ay ang ngayon, ang ating pagtalima
sa kanyang panawagan na talikdan na ang ating mga pagkakasala. At mag bagong
buhay na hindi bukas, hindi sa susunod na lingo kundi ngayon na. – Marino J. Dasmarinas