Monday, December 15, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon Martes Disyembre 16, Simula ng Simbang Gabi: Juan 5:33-36


Mabuting Balita: Juan 5:33-36
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Judio, “Nagpasugo kayo kay Juan, at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan. Hindi sa kailangan ko ang patotoo ng tao; sinasabi ko lamang ito para maligtas kayo. Si Juan ay parang maningas na ilaw na nagliliwanag noon, at kayo’y sandaling nasiyahan sa kanyang liwanag.

Ngunit may patotoo tungkol sa akin na higit sa patotoo ni Juan: ang mga gawang ipinagagawa sa akin ng Ama, at siya ko namang ginaganap – iyan ang nagpapatotoo na ako’y sinugo niya.” 

+ + + + + + +
Repleksyon:
Sinisimulan natin ngayon ang banal na paglalakbay ng Misa de Gallo o Simbang Gabi. Sa loob ng siyam na araw, hindi lamang tayo inaanyayahang bumangon nang maaga at dumalo sa Misa, kundi higit sa lahat, inaanyayahan tayong ihanda ang ating mga puso upang maging karapat-dapat sa pagsilang ng ating Tagapagligtas at Panginoong Hesuskristo. Ang paghahandang ito ay isang tahimik ngunit makapangyarihang pagbabago sa ating kalooban.

Nagkakaroon tayo ng panibagong buhay kapag pinipili natin ang pakikipagkasundo kaysa galit, ang pagpapatawad kaysa pagkikimkim ng sama ng loob, at ang ang pagiging mapagbigay kaysa pagiging makasarili. Tayo’y nababago kapag hindi natin hinahayaang kundisyunin tayo ng materyal na aspeto ng Pasko, kundi itinutoon natin ang ating pansin sa tunay nitong diwa—ang pagsilang ng ating Tagapagligtas na si Hesukristo.

Tulad ni Juan Bautista, tayo rin ay tinatawag na magpatotoo kay Hesus sa paraan ng ating pananalita at pamumuhay. Mapagpakumbaba niyang inanyayahan ang mga tao sa pagsisisi at pagbabagong-loob sapagkat siya’y isinugo ng Diyos upang ihanda ang daan ng Panginoon. Sa panahong ito ng Adbiyento, tanungin natin ang ating mga sarili: may ginagawa ba tayo upang ihanda ang daan ng Panginoon sa ating buhay at sa ating mga tahanan?

Bilang mga magulang at bahagi ng pamayanang Kristiyano, may pananagutan tayong gabayan ang mga kabataan. Naipapakita ba natin sa ating mga anak na ang Pasko ay hindi tungkol sa mga regalong matatanggap o sa anyo ni Santa Claus, kundi tungkol kay Hesus, ang ating Tagapagligtas? Itinuturo ba natin sa kanila ang kagalakang nagmumula hindi sa mga materyal na bagay, kundi sa presensya ni Hesus sa ating buhay?

Unti-unti nating nasasaksihan kung paanong natatabunan ang tunay na kahulugan ng Pasko ng materyalismo at komersiyalismo. Ngunit sa ating munting paraan, maaari rin tayong maging tulad ni Juan Bautista. Maaari nating ipaalala—nang may kababaang-loob ang tunay na dahilan ng panahon ng Pasko: walang iba kundi ang pagsilang ni Hesus.

Habang tayo’y naaaliw sa makukulay na ilaw, nagsasalu-salo sa masaganang pagkain, at nagpapalitan ng mga regalo, huminto muna tayo at magnilay: ang mga ito ba ay naglalapit sa atin kay Kristo, o unti-unti na ba Siyang napapalitan sa ating mga puso? Sa Simbang Gabi na ito, handa ba tayong ihanda ang daan ng Panginoon—hindi lamang sa ating mga tradisyon, kundi sa mismong paraan ng ating pamumuhay? – Marino J. Dasmarinas

No comments: