Mabuting Balita: Juan 8:1-11
Noong panahong iyon, si Hesus ay pumunta sa Bundok ng mga Olibo. Kinaumagaha’y nagbalik siya sa templo. Lumapit sa kanya ang lahat, kaya’t umupo siya at sila’y tinuruan. Noo’y dinala sa kanya ng mga eskriba at ng mga Pariseo ang isang babaing nahuli sa pakikiapid.
Pinatayo ito sa harapan nila, at sinabi kay Hesus, “Guro, ang babaing ito’y nahuli sa pakikiapid. Ayon sa Kautusan ni Moises, dapat batuhinhanggang sa mamatay ang mga gaya niya.
Ano ang masasabi mo?” Itinanong nila ito upang subukin siya, nang may maisumbong sila laban sa kanya. Ngunit yumuko si Hesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng daliri. Ayaw nilang tigilan nang katatanong si Hesus, kaya’t sila’y tiningnan niya at sinabi ang ganito, “Sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at sumulat sa lupa.
Nang marinig nila ito, sila’y isa-isang umalis, simula sa pinakamatanda. Walang naiwan kundi si Hesus at ang babaing naroon pa rin sa harapan niya. Tiningnan siya ni Hesus at tinanong: “Nasaan sila? Wala bang nagparusa sa iyo?” “Wala po, Ginoo,” sagot ng babae. Sinabi ni Hesus: “Hindi rin kita parurusahan. Humayo ka, at huwag nang magkasala.”
+ + + + + + +
Repleksyon:
Ikaw ba ay isang taong madaling maghusga? Marami sa atin ang mabilis humusga sa iba pero kapag tayo’y humuhusga, iniimbitahan din natin ang iba na husgahan tayo. Diba pag ang ating hintuturo ay itinuturo natin ang tatlong daliri natin ay nakaturo pabalik sa atin? Ito ang ating kahinaan—napakadali nating humusga. Ngunit anong kapangyarihan ang mayroon tayo upang hatulan at kondenahin ang iba?
Mabilis tayong humusga dahil sa tingin natin tayo ay mas malinis sa ating hinuhusgahan. Ang ganitong kaisipan ang nagtutulak sa atin na hatulan ang mga tinatawag nating makasalanan. Kung wala tayong ganitong pag-iisip ng pagiging nakatataas, hindi tayo manghuhusga.
Sa halip, magbibigay tayo ng payo o paggabay, sapagkat ito ang pinakamainam na paraan upang matulungan ang mga nagkasala. Mabuti kung susundin ng makasalanan ang ating payo; ngunit kung hindi, nasa kanya na iyon. Bast ang importante ay nagbigay tayo ng payo hindi ng pag kondena.
Ang paghatol o pagkondena ay hindi kailanman nakabubuti sa isang makasalanan; dahil, maaari pa itong magtulak sa kanya ng mas malalim pa na pagkakasala hanggang sa tuluyang masira ang kanyang buhay.
Sa atin pong mabuting balita, napakapalad ng babaeng nahuling nangangalunya dahil dinala siya ng kanyang mga tagapag-akusa kay Jesus. Kung dinala siya sa ibang tao, maaaring agad siyang pinatay dahil sa pag kondena ng kanyang mga tagapag-akusa. Ngunit salamat sa Diyos, dinala nila siya kay Jesus kaya siya ay nabigyan ng pagkakataon na mag bagong buhay.
Kanino ka ba lumalapit upang humanap ng magtatanggol saiyo kapag ikaw ay kinokondena at hinuhusgahan nang ng mga tao sa mundong ito? O kapag ikaw ay may pinapasan na mabigat na problema sa iyong buhay? – Marino J. Dasmarinas
No comments:
Post a Comment