Saturday, January 04, 2025

Ang Mabuting Balita para sa Linggo Enero 5 Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon: Mateo 2:1-12


Mabuting Balita: Mateo 2:1-12
Si Hesus ay ipinanganak sa Betlehem ng Judea noong kapanahunan ni haring Herodes. Dumating naman sa Jerusalem ang ilang Pantas mula sa Silangan at nagtanung-tanong doon: “Nasaan ang ipinanganak na Hari ng mga Judio? Nakita namin sa Silangan ang kanyang tala at naparito kami upang sambahin siya.” 

Nang mabalitaan ito ni haring Herodes, siya’y naligalig, gayun din ang buong Jerusalem. Kaya’t tinipon niya ang lahat ng punong saserdote at mga eskriba sa Israel at itinanong sa kanila kung saan ipinanganak ang Mesiyas. “Sa Betlehem po ng Judea,” tugon nila. “Ganito ang sinulat ng propeta:

‘At ikaw, Betlehem, sa lupain ng Juda,

ay hindi nga huli sa mga pangunahing bayan ng Juda.

Sapagkat sa iyo lilitaw ang isang pinuno

na mamamahala sa aking bayang Israel.’” 

Nang mabatid ito, lihim na ipinatawag ni Herodes ang mga Pantas at itinanong kung kailan lumitaw ang mga tala. At pinalakad niya sila patungong Betlehem matapos pabilinan ng ganito: “Humayo kayo at inyong hanaping mabuti ang sanggol. Kapag inyong natagpuan, ibalita agad ninyo sa akin upang ako may makasamba sa kanya.” 

At lumakad na nga ang mga Pantas. Muli silang pinangunahan ng talang nakita nila sa silangan hanggang sa sumapit ito sa tapat ng kinaroroonan ng bata. Gayun na lamang ang galak ng mga Pantas nang makita ang tala! Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ng kanyang inang si Maria.  

Lumapit sila at nagpatirapa at sinamba ang bata. Binuksan nila ang kanilang mga sisidlan at inihandog sa kanya ang dala nilang ginto, kamanyang at mira.

Nang sila’y pabalik na, sinabi sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip na huwag na silang babalik kay Herodes. Kaya, nag-iba na sila ng daan pauwi.

No comments: