Monday, January 13, 2025

Ang Mabuting Balita Enero 15 Miyerkules sa Unang Linggo ng Karaniwang Panahon: Marcos 1:29-39


Mabuting Balita: Marcos 1:29-39
Noong panahong iyon, mula sa sinagoga, sila'y nagtuloy sa bahay ni Simon at Andres. Kasama nila sina Santiago at Juan. Nararatay noon ang biyenan ni Simon Pedro, dahil sa matinding lagnat, at ito'y agad nilang sinabi kay Jesus. Nilapitan ni Jesus ang babae, hinawakan sa kamay at ibinangon. Noon di'y inibsan ito ng lagnat at naglingkod sa kanila.  

Pagkalubog ng araw, dinala kay Jesus ang lahat ng maysakit at ang mga inaalihan ng demonyo. At nagkatipon ang buong bayan sa may pintuan ng bahay. Pinagaling niya ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman at nagpalayas sila ng mga demonyo. Hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito, sapagkat alam nila kung sino siya. 

Madaling-araw pa'y bumangon na si Jesus at nagtungo sa isang ilang na pook at nanalangin. Hinanap siya ni Simon at ng kanyang mga kasama. Nang siya'y matagpuan, sinabi nila, "Hinahanap po kayo ng lahat." Ngunit sinabi ni Jesus, "Kailangang pumunta rin naman tayo sa mga kalapit-bayan upang makapangaral ako roon -- ito ang dahilan ng pag-alis ko sa Capernaum." At nilibot niya ang buong Galilea, na nangangaral sa mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.

No comments: