Friday, November 01, 2024

Ang Mabuting Balita Nobyembre 5, Martes ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon: Lucas 14:15-24


Mabuting Balita: Lucas 14:15-24
Noong panahong iyon, sinabi kay Hesus ng isa sa mga kasalo niya sa hapag, "Mapalad ang makakasalo sa hapag sa kaharian ng Diyos!" Sumagot si Jesus, "May isang lalaking naghanda ng isang malaking piging, at marami siyang inanyayahan. Nang dumating ang oras ng piging, inutusan niya ang kanyang mga alipin at ipinasabi sa mga inanyayahan. 'Halina kayo, handa na ang lahat!'  

Ngunit nagdahilan silang lahat. Ang sabi ng una, 'Nakabili ako ng bukid at kailangan kong puntahan. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.' At sinabi ng isa, 'Nakabili ako ng limang pares na baka, at kailangan kong isingkaw para masubok. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.' Sinabi naman ng isa pa, 'Bagong kasal ako kaya hindi ako makakadalo.' Bumalik ang alipin at ibinalita sa kanyang panginoon. 

Nagalit ito at sinabi sa alipin, 'Lumabas kang madali sa mga lansangan at makikipot na daan ng lunsod, at isama mo rito ang mga pulubi, mga pingkaw, mga bulag, at mga pilay.' Pagbabalik ng alipin ay sinabi niya, 'Panginoon, nagawa ko na po ang iniuutos ninyo, ngunit maluwag pa.' Kaya'y sinabi ng panginoon sa alipin, 'Lumabas ka sa mga lansangan at sa mga landas; at pilitin mong pumarito ang mga tao, upang mapuno ang aking bahay. Sinasabi ko sa inyo: isa man sa mga unang inanyayahan ay hindi makatitikim ng aking handa!'

No comments: