Bago siya umalis, tinawag niya ang sampu sa kanyang mga alipin.
Binigyan niya ang mga ito ng tig-iisang salaping ginto at sinabihan sila.
'Ipangalakal ninyo iyan hanggang sa pagbabalik ko.' Poot na poot naman sa kanya
ang kanyang mga kababayan, kaya't pagkaalis niya, nagsugo sila ng mga kinatawan
upang sabihin sa kinauukulan: 'Ayaw naming maging hari ang taong ito!'
"Ngunit ginawa ring hari ang taong iyon. Umuwi siya
pagkatapos, at ipinatawag ang mga aliping binigyan niya ng salaping ginto,
upang malaman kung gaano ang tinubo ng bawat isa. Lumapit sa kanya ang una at
ang sabi, 'Panginoon, ang salapi ninyong ginto ay nagtubo ng sampu.'
'Magaling,' sagot niya. 'Mabuting alipin!
Yamang naging matapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa
sampung bayan.' Lumapit ang ikalawa at ang sinabi, 'Panginoon, ang salapi
ninyong ginto ay nagtubo ng lima.' At sinabi niya sa kanya, 'Mamahala ka sa
limang bayan.'
Lumapit ang isa pang alipin at nagsabi, 'Panginoon, heto po ang
inyong salaping ginto. Binalot ko sa panyo at itinago. Natatakot po ako sa
inyo, sapagkat napakahigpit ninyo; kinukuha ninyo ang hindi sa inyo, at inaani
ang hindi ninyo inihasik.' Sinagot siya ng kanyang panginoon, 'Masamang alipin!
Sa salita mong iyan kita hahatulan. Alam mo palang ako'y mahigpit. Sinabi mo,
kinukuha ko ang hindi sa akin at inani ko ang hindi inihasik.
Bakit
hindi mo inilagay sa bangko ang aking salapi? Pagbabalik ko, sana'y may tinubo
ang puhunang ito.' At sinabi niya sa mga naroroon , 'Kunin ninyo sa kanya ang
salaping ginto, at ibigay sa may sampu.' 'Panginoon, siya po'y mayroon nang
sampung salaping ginto!' wika nila.
'Sinasabi ko sa inyo: ang bawat mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Tungkol naman sa mga kaaway kong aayaw na ako'y maghari sa kanila-- dalhin ninyo rito at patayin sa harapan ko!'" Pagkasabi nito, nagpauna si Jesus patungong Jerusalem.
No comments:
Post a Comment