Monday, November 18, 2024

Ang Mabuting Balita Nobyembre 19, Martes ng Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon: Lucas 19:1-10


Mabuting Balita: Lucas 19:1-10
Noong panahong iyon, pumasok si Jesus sa Jerico, at naglakad sa kabayanan. Doo'y may isang mayamang puno ng mga publikano na nagngangalang Zaqueo, at pinagsikapan niyang makita si Jesus upang makilala niya kung sino ito. Ngunit siya ay napakapandak, at dahil sa dami ng tao, hindi niya makita si Jesus. 

Kaya't patakbo siyang nagpauna at umakyat sa isang puno ng sikomoro upang makita si Jesus na magdaraan doon. Pagdating ni Jesus sa dakong iyon, siya'y tumingala at sinabi sa kanya, "Zaqueo, bumaba ka agad, sapagkat kailangan kong tumuloy sa bahay mo." Nagmamadali siyang bumaba, at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus. 

Lahat ng nakakita nito ay nagbulung-bulungan. "Nakikituloy siya sa isang makasalanan," wika nila. Tumayo si Zaqueo at sinabi, "Panginoon, ibibigay ko po sa mga dukha ang kalahati ng aking ari-arian. At kung ako'y may nadayang sinuman, apat na ibayo ang isasauli ko sa kanya."

At sinabi sa kanya ni Jesus, "Ang kaligtasa'y dumating ngayon sa sambahayang ito; lipi rin ni Abraham ang taong ito. Sapagkat naparito ang Anak ng Tao upang hanapin at iligtas ang naligaw."

No comments: