Noong mga araw na iyon, umahon si
Jesus sa isang burol at magdamag doong nanalangin. Kinaumagahan, tinawag niya
ang kanyang mga alagad, at pumili siya ng Labindalawa sa kanila, na tinawag
niyang mga apostol: Si Simon na pinangalanan niyang Pedro, at si Andres na
kanyang kapatid; sina Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, at
Santiago na anak ni Alfeo, si Simon, ang Makabayan; si Judas na anak ni
Santiago, at si Judas Iscariote na naging taksil.
Bumaba
si Jesus, kasama sila, at tumayo sa isang patag na lugar. Naroon ang marami sa
kanyang mga alagad. At ang napakaraming tao buhat sa Judea at Jerusalem, at sa
mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon. Pumaroon sila upang makinig sa
kanya at mapagaling sa kanilang karamdaman.
Pinagaling rin niya ang mga pinahihirapan ng masamang espiritu. At sinikap ng lahat ng tao na mahipo siya sapagkat may taglay siyang kapangyarihang makapagpagaling ng lahat.
No comments:
Post a Comment