Sinabi nya sa kanila, 'Pumaroon din kayo at magtrabaho sa aking
ubasan, at bibigyan ko kayo ng karampatang upa. At pumaroon nga sila. Lumabas
na naman siya nang mag-iikalabindalawa ng tanghali at nang mag-iikatlo ng
hapon, at gayon din ang ginagawa niya. Nang mag-iikalima ng hapon, siya'y
lumabas uli at nakakita pa ng mga ibang wala ring ginagawa. Sinabi niya sa
kanila, 'Bakit kayo tatayu-tayo lang dito sa buong maghapon?' 'Wala pong
magbigay sa amin ng trabaho, e!' sagot nila. At sinabi niya, 'Kung gayun,
pumaroon kayo at gumawa sa aking ubasan.'
"Pagtatakip-silim, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang
katiwala, 'Tawagin mo na ang mga manggagawa at sila'y upahan, magmula sa huli
hanggang sa unang nagtrabaho.' Ang mga nagsimula ng mag-iikalima ng hapon ay
tumanggap ng tig-iisang denaryo. At nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang
tatanggap sila ng higit doon; ngunit ang bawat isa'y tumanggap din ng isang
denaryo.
Pagkatanggap nito, nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. Sabi
nila, 'Isang oras lang pong gumawa ang mga huling dumating, samantalang
maghapon kaming nagpagal at nagtiis ng nakapapasong init ng araw. Bakit naman
po ninyo pinagpare-pareho ang upa sa amin?' At sinabi niya sa isa sa kanila,
'Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi ba't nagkasundo tayo sa isang denaryo?
Kunin
mo ang ganang iyo, at umalis ka na. Maano kung ibig kong upahan ang nahuli nang
tulad ng upa ko sa iyo? Wala ba akong karapatang gawin ang aking maibigan sa
ari-arian ko? O naiinggit ka lang sa aking kabutihang loob?' Kaya't ang
nahuhuli ay mauuna, at ang nauuna ay mahuhuli."
No comments:
Post a Comment