Noong panahong iyon, si Herodes ang nagpahuli, nagpagapos at nagpabilanggo kay Juan dahil kay Herodias. Ang babaing ito'y asawa ni Felipe kapatid ni Herodes ngunit ito'y kinakasama niya. Laging sinasabi sa kanya ni Juan, "Hindi matuwid na kunin ninyo ang asawa ng inyong kapatid."
Kaya't si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan. Hinangad niyang ipapatay ito, ngunit hindi niya ito magawa, sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Alam niyang ito'y taong matuwid at banal, kaya't ipinagsasanggalang niya. Gustong-gusto niyang makinig kay Juan, bagama't labis siyang nababagabag sa sinasabi nito.
Sa wakas ay nagkaroon ng pagkakataon si Herodias nang anyayahan ni Herodes sa kanyang kaarawan ang kanyang mga kagawad, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea.
Pumasok ang anak ni Herodias at nagsayaw. Labis na nasiyahan si Herodes at mga panauhin, kaya't sinabi ng hari sa dalaga, "Hingin mo sa akin ang anumang ibig mo at ibibigay ko sa iyo." At naisumpa pa niyang ibibigay kahit ang kalahati ng kanyang kaharian kung ito ang hihilingin.
Lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina. "Ano ang hihingin ko?" "Ang ulo ni Juan Bautista," sagot ng ina. Dali-daling nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari. "Ang ibig ko po'y ibigay ninyo ngayon din, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan Bautista," sabi niya. Labis na nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang sumpa na narinig ng kanyang mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga.
Kaagad niyang iniutos sa isang bantay na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod ang bantay at pinugutan si Juan sa bilangguan, inilagay ang ulo sa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.
No comments:
Post a Comment