Tuesday, May 28, 2024

Ang Mabuting BalitaMayo 29, Miyerkules sa Ikawalong Linggo ng Karaniwang Panahon: Marcos 10:32-45


Mabuting Balita: Marcos 10:32-45
Noong panahong iyon, nasa daan sila patungong Jerusalem. Nauuna sa kanila si Jesus; nangangamba ang mga alagad at natatakot naman ang mga taong sumusunod sa kanya. Ibinukod ni Jesus ang Labindalawa at sinabi ang mangyayari sa kanya. 

Wika niya, "Ngayo'y paahon tayo sa Jerusalem. Ang Anak ng Tao'y ipagkakanulo sa mga punong saserdote at sa mga eskriba. Kanilang hahatulan siya ng kamatayan, at ibibigay sa mga Hentil. Siya'y tutuyain nila, luluran, hahagupitin,at papatayin. Ngunit muli siyang mabubuhay pagkaraan ng tatlong araw."

Lumapit kay Jesus sina Santiago at Juan na anak ni Zebedeo, at ang sabi, "Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo." "Ano iyon?" tanong ni Jesus. Sumagot sila, "Sana'y makaupo kami katabi ninyo sa inyong kaharian-- isa sa kanan at isa sa kaliwa." "Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi," sabi ni Jesus sa kanila. 

"Mababata ba ninyo ang hirap na babatahin ko? Pabibinyag ba kayo sa binyag na daranasin ko?" "Opo," tugon nila. Sinabi ni Jesus, "Ang hirap na babatahin ko'y babatahin nga ninyo, at kayo'y bibinyagan sa binyag na daranasin ko. Ngunit wala sa akin ang pagpapasiya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga luklukang sinasabi ninyo'y para sa mga pinaghandaan."

Nang marinig ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. Kaya't pinalapit sila ni Jesus at sinabi, "Alam ninyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga Hentil ay siyang pinapanginoon, at ang dinadakila ay siyang nasusunod. Ngunit hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. 

Sa halip, ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. at sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami."

No comments: