Saturday, April 06, 2024

Ang Mabuting Balita para Linggo Abril 7, Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay Linggo ng Banal na Awa ng Panginoon: Juan 20:19-31


Mabuting Balita: Juan 20:19-31
Kinagabihan ng araw ding iyon, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakapinid ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila. "Sumainyo ang kapayapaan!" sabi niya. 

Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita ang Panginoon. Sinabi na naman ni Jesus, "Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo." Pagkatapos, sila'y hiningahan niya at sinabi, "Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad."

Ngunit si Tomas na tinaguriang Kambal, isa sa Labindalawa, ay wala roon nang dumating si Jesus. Kaya't sinabi sa kanya ng ibang alagad, "Nakita namin ang Panginoon!" Sumagot si Tomas, "Hindi ako maniniwala hangga't di ko nakikita ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at naisusuot dito ang aking mga daliri, at hangga't hindi ko naipapasok ang aking kamay sa kanyang tagiliran."

Makalipas ang walong araw, muling nagkatipon sa loob ng bahay ang mga alagad; kasama nila si Tomas. Nakapinid ang mga pinto, ngunit pumasok si Jesus at tumayo sa gitna nila. Sinabi niya, "Sumainyo ang kapayapaan!" Saka sinabi kay Tomas, "Tingnan mo ang aking mga kamay at ilapit dito ang iyong daliri. 

Ipasok mo ang iyong kamay sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan, maniwala ka na." Sumagot si Tomas, "Panginoon ko at Diyos ko!" Sinabi sa kanya ni Jesus, "Naniniwala ka na ba sapagkat nakita mo ako? Mapapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita."

Marami pang kababalaghang ginawa si Jesus na nasaksihan ng mga alagad, ngunit hindi natatala sa aklat na ito. Ang mga natala rito'y sinulat upang sumampalataya kayong si Jesus ang Mesias, ang Anak ng Diyos, at sa gayo'y magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya. 

No comments: