Sunday, March 03, 2024

Ang Mabuting Balita Marso 4, Lunes sa Ikatlong Linggo ng Kuwaresma: Juan 4:5-42


Mabuting Balita: Juan 4:5-42
Noong panahong iyon: Dumating si Hesus sa isang bayan sa Samaria, na tinatawag na Sicar, malapit sa bukid na ibinigay ni Jacob sa kanyang anak na si Jose. Dito matatagpuan ang balon ni Jacob. Umupo si Hesus sa tabi nito, sapagkat siya’y napagod sa paglalakbay. Halos katanghaliang-tapat na noon.

May isang Samaritanang dumating upang umigib. SInabi ni Hesus sa kanya, “Maari bang makiinom?” Wala noon ang kanyang mga alagad sapagkat bumili ng pagkain sa bayan. Sinabi sa kanya ng Samaritana, “Kayo’y Judio at Samaritana ako! Bakit kayo humihingi sa akin ng inumin?” Sapagkat, ‘hindi nakikitungo ang mga Judio sa mga Samaritano. Sumagot si Hesus, “Kung alam lamang ninyo kung ano ang ipinagkakaloob ng Diyos, at kung sino itong humihingi sa inyo ng inumin, marahil ay kayo ang hihingi sa kanya, at kayo nama’y bibigyan niya ng tubig na nagbibigay-buhay.” 

“Ginoo,” wika ng babae, “malalim ang balong ito at wala man lamang kayong panalok. Saan kayo kukuha ng tubig na nagbibigay-buhay? Higit pa ba kayo kaysa aming ninunong si Jacob, na nagbigay sa amin ng balong ito? Uminom siya rito, pati ang kanyang mga anak, at ang kanyang mga hayop.” Sumagot si Hesus, “Ang uminom ng tubig na ito’y muling mauuhaw. Ito’y magiging isang bukal sa loob niya, babalong, at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan.” 

Sinabi ng babae, “Ginoo, kung gayun po’y bigyan ninyo ako ng tubig na sinasabi ninyo, Nang hindi na ako mauhaw, ni pumarito pa upang sumalok. Ginoo, sa wari ko’y propeta kayo. Dito sa bundok na ito sumamba sa Diyos ang aming mga magulang, ngunit sinasabi ninyong mga Judio, na sa Jerusalem lamang dapat sambahin ang Diyos.” Tinugon siya ni Hesus, “Maniwala ka sa akin, Ginang, dumarating na ang panahon na sasambahin ninyo ang Ama, hindi lamang sa bundok na ito o sa Jerusalem. 

Hindi ninyo nakikilala ang inyong sinasamba, ngunit nakikilala namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay galing sa mga Judio. Ngunit dumarating na ang panahon – ngayon na nga – na ang mga tunay na sumasamba sa Ama ay sasamba sa kanya sa espiritu at sa katotohanan. Sapagkat ito ang hinahanap ng Ama sa mga sumasamba sa kanya. Ang Diyos ay Espiritu kaya dapat siyang sambahin sa espiritu at sa katotohanan.”

Sinabi ng babae, “Nalalaman ko pong paririto ang Mesiyas, ang tinatawag na Kristo. Pagparito niya, siya ang magpapahayag sa atin ng lahat ng bagay.” “Akong nagsasalita sa iyo ang tinutukoy roon,” sabi ni Hesus. Maraming Samaritano sa bayang yaon ang sumampalataya kay Hesus. Kaya’t paglapit ng mga Samaritano kay Hesus, hiniling nila na tumigil muna siya roon; at nanatili siya roon nang dalawang araw.

At marami pang sumampalataya nang mapakinggan siya. Sinabi nila sa babae, “Nananampalataya kami ngayon, hindi na dahil sa sinabi mo kundi dahil sa narinig namin sa kanya. Nakilala naming siya nga ang Tagapagligtas ng sanlibutan.”

2 comments:

Anonymous said...

Mali po yata yong gospel Juan 4:5-42? Dapat Lucas 4, 24-30

Marino J. Dasmarinas said...

Good evening, ngayong lunes ho magkaiba talaga ang tagalog at english gospel for this monday. Ang English ay Luke 4: 24-30 at ang tagalog ay Juan 4: 5-42. God bless you.