Pumaroon si Judas, kasama ang ilang bantay sa templo at isang
pangkat ng mga kawal na padala ng mga punong saserdote at mga Pariseo. May dala
silang mga parol, sulo at sandata. Alam ni Jesus ang lahat ng mangyayari sa
kanya, kaya't sila'y sinalubong niya at tinanong, "Sino ang hinahanap
ninyo?" "Si Hesus na taga-Nazaret," tugon nila, Sinabi niya,
"Ako si Hesus."
Kaharap
nila si Judas na nagkanulo sa kanya. Nang sabihin ni Jesus na siya nga,
napaurong sila at nabuwal sa lupa. Muli siyang nagtanong, "Sino nga ang
hinahanap ninyo?" "Si Jesus na taga-Nazaret," sagot nila.
"sinabi ko na sa inyong ako si Jesus. Kung ako ang hinahanap ninyo, hayaan
ninyong umalis ang mga taong ito," wika niya.
Sinabi
niya ito upang matupad ang kanyang salita, "Walang napahamak kahit isa sa
mga ibinigay mo sa akin, Ama." Binunot ni Simon Pedro ang kanyang tabak at
tinaga ang alipin ng pinakapunong saserdote. Natigpas ang kanyang tainga ng
aliping yaon na ang pangala'y Malco. Sinabi ni Jesus kay Pedro, "Isalong
mo ang iyong tabak! Dapat kong inumin ang saro ng paghihirap na ibinigay sa
akin ng Ama."
Si
Jesus ay dinakip at ginapos ng mga bantay na Judio at ng pangkat ng mga kawal
sa pamumuno ng kanilang kapitan. Siya'y dinala muna kay Anas na biyenan ni
Caifas na pinakapunong saserdote nang panahong yaon. Si Caifas ang nagpayo sa
mga Judio na mas mabuti para sa kanila na isang tao lamang ang mamatay
alang-alang sa bayan.
Si
Simon Pedro at ang isa pang alagad ay sumunod kay Jesus. Kilala ng pinakapunong
saserdote ang alagad na ito, kaya't nakapasok siyang kasama ni Jesus sa patyo
ng bahay ng pinakapunong saserdote. Naiwan naman si Pedro sa labas ng pintuan.
Lumabas
ang alagad na kilala ng pinakapumong saserdote , kinausap ang dalagang
nagbabantay sa pinto, at pinapasok si Pedro. Si Pedro'y tinanong ng dalaga,
hindi ba't isa ka sa mga alagad ng taong iyan?" "Hindi," sagot
ni Pedro. Maginaw noon, kaya't nagpabaga ng uling ang mga alipin at mga bantay
at tumayo sa paligid ng siga upang magpainit. Nakihalo si Pedro at nagpainit
din.
Si
Jesus ay tinanong ng pinakapunong saserdote tungkol sa kanyang mga alagad at sa
kanyang itinuturo. Sumagot si Jesus, "Hayagan akong nagsasalita sa madla;
lagi akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa templo ng mga Judio. Wala akong
sinabing palihim. Bakit ako ang tinatanong ninyo?
Ang tanungin ninyo'y ang mga nakarinig sa akin; alam nila kung ano ang sinabi ko." Pagkasabi nito, siya'y sinampal ng isa sa mga bantay na naroroon. "Bakit mo sinasagot ng ganyan ang pinakapunong saserdote?" tanong niya. Sinagot siya ni Jesus, "Kung nagsalita ako ng masama, patunayan mo! Ngunit kung mabuti ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?" Si Jesus na nagagapos pa noon ay ipinadala ni Anas kay Caifas, ang pinakapunong saserdote.
Samantala,
naroon pa rin si Simon Pedro at nagpapainit. Siya'y tinanong nila, "Hindi
ba't alagad ka rin ng taong iyan?" "Hindi!" sagot ni Pedro.
Tinanong naman siya ng isang alipin ng pinakapunong saserdote , kamag-anak ng
lalaking tinagpasan niya ng tainga, "Hindi ba ikaw ang nakita kong kasama
ni Jesus sa halamanan?" Muling itinatwa ito ni Pedro. Siya namang
pagtilaok ng manok.
Mula
sa bahay ni Caifas, si Jesus ay dinala nila sa palasyo ng gobernador. Umaga na
noon. Hindi pumasok ang mga Judio sa palasyo ng gobernador, upang sila'y huwag
maituring na di karapat-dapat kumain ng Hapunang Pampaskuwa. Kaya't sa labas
sila tinanggap ni Pilato at tinanong, "Ano ang sakdal ninyo laban sa taong
ito?"
Sumagot
sila, "Kung hindi po siya gumawa ng masama, hindi namin siya dadalhin sa
inyo." Sinabi sa kanila ni Pilato, "Dalhin ninyo siya, at hatulan
ayon sa inyong kautusan." Sumagot ang mga Judio, "Wala po kaming
kapangyarihang humatol ng kamatayan kaninuman." Nangyari ito upang matupad
ang sinabi ni Jesus tungkol sa paraan ng kanyang pagkamatay.
Si
Pilato'y pumasok uli sa palasyo at tinawag si Jesus. "Ikaw ba ang Hari ng
mga Judio?" tanong niya. Sumagot si Jesus, "Iyan ba'y galing sa
inyong sariling isipan, o may nagsabi sa inyo?" "Ako ba'y
Judio?" tanong ni Pilato. "Ang mga kababayan mo at ang mga punong
saserdote ang nagdala sa inyo rito.
Ano
ba ang ginawa mo?" Sumagot si Jesus, "Ang kaharian ko'y hindi sa
sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian , ipinakipaglaban
sana ako ng aking mga tauhan at hindi naipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi
sa sanlibutang ito ang aking kaharian!" Kung gayon, isa kang hari?"
sabi ni Pilato.
Sumagot
si Jesus, "Kayo na ang nagsabing ako'y hari. Ito ang dahilan kung bakit
ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan: upang magsalita tungkol sa
katotohanan. "Ano ba ang katotohanan?" tanong ni Pilato.
Pagkasabi
nito, muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga Judio, "Wala akong
makitang kasalanan sa taong ito. Ngunit ayon sa inyong kaugalian, dapat akong
magpalaya ng isang bilanggo kung araw ng Paskuwa. Ibig ba ninyong palayain ko
ang Hari ng mga Judio?" "Hindi!" sigaw nila. "Huwag siya,
kundi si Barrabas!" Si Barrabas ay isang tulisan.
Kaya't
ipinakuha ni Pilato si Jesus at ipinahagupit. Ang mga kawal ay kumuha ng
halamang matinik, ginawang korona, at ipinutong kay Jesus. At sinuutan siya ng
balabal na purpura. Isa't isa'y lumalapit sa kanya ang wika,"Mabuhay ang
Hari ng mga Judio!" At siya'y pinagsasampal.
Lumabas
uli si Pilato at sinabi sa kanila, "Ihaharap ko siya sa inyo upang malaman
ninyo na wala akong makitang kasalanan niya!" At inilabas si Jesus na may
koronang tinik at balabal na purpura. Sinabi sa kanila ni Pilato, "Narito
ang mga tao!" Pagkakita sa kanya ng mga punong saserdote at ng mga bantay
sila'y sumigaw: "Ipako siya sa krus! Ipako sa krus! "
Sinabi
ni Pilato, "Kunin ninyo siya, at kayo ang magpako sa, at kayo ang magpako
sa kanya. Wala akong makitang kasalanan niya." Sumagot ang mga Judio,
"Ayon sa aming kautusa'y nararapat siyang mamatay, sapagkat siya'y
nagpapanggap na Anak ng Diyos."
Lalong
natakot si Pilato nang marinig ang mga pananalitang ito. Muli siyang pumasok sa
palasyo at tinanong si Jesus, "Tagasaan ka ba?" Subalit hindi tumugon
si Jesus. "Ayaw mo bang makipag-usap sa akin?" ani Pilato.
"Hindi mo ba alam na maari kitang palayain o ipapako sa krus?" At
sumagot si Jesus, "Kaya mo lang magagawa iyan ay sapagkat ipinagkaloob sa
iyo ng Diyos ang kapangyarihang iyan, kaya mas mabigat ang kasalanan ng nagdala
sa akin dito."
Nang
marinig ito ni Pilato, lalo niyang hinangad na palayain si Jesus. Ngunit
nagsigawan ang mga tao, "Kapag pinalaya mo ang taong iyan, hindi ka
kaibigan ni Cesar! Sinumang nagpapanggap na hari ay kalaban ni Cesar."
Pagkarinig ni Pilato sa pangungusap na ito, inilabas niya si Jesus, at siya'y
lumuklok sa hukuman sa dakong tinatawag na "Ang Plataporma" Gabata sa
wikang Hebreo.
Araw
noon ng Paghahanda sa Paskuwa, at mag-iikalabindalawa na ng tanghali. Sinabi ni
Pilato sa mga Judio, "Narito ang inyong hari!" Sumigaw sila,
"Patayin siya! Patayin! Ipako sa krus!" Ipapako ko ba sa krus ang
inyong hari?" tanong ni Pilato. Sumagot ang punong saserdote, "Wala
kaming hari kundi ang Cesar!" Kaya't si Jesus ay ibinigay sa kanila ni
Pilato upang ipako sa krus.
Kinuha
nga nila si Jesus. At lumabas siya na pasan ang kanyang krus, patungo sa lugar
na kung tawagi'y "Dako ng Bungo" Golgota sa wikang Hebreo. Pagdating
doon , siya'y ipinako sa krus, kasama ng dalawa pa -- isa sa gawing kanan at isa
sa kaliwa. Sumulat si Pilato ng ganitong pangungusap at ipinalagay sa krus:
"Si Jesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio."
Nasusulat
ito sa mga wikang Hebreo, Latin, at Griego at marami sa mga Judio ang nakabasa
nito, sapagkat malapit sa lunsod ang dakong pinagpakuan kay Jesus. Kaya't
sinabi ng mga punong saserdote kay Pilato, "Huwag ninyong isulat na Hari
ng mga Judio, kundi, 'Sinabi ng taong ito, Ako ang Hari ng mga Judio.' "
Sumagot si Pilato, "Ang naisulat ko'y naisulat ko na."
Nang
maipako na ng mga kawal si Jesus, kinuha nila ang kanyang kasuutan at
pinaghati-hatian ng apat. Kinuha rin nila ang kanyang tunika; ito'y walang tahi
at hinabi ng buo mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nag-usap-usap ang mga kawal,
"Huwag nating punitin ito; magsapalaran na lamang tayo para malaman kung
kanino ito mauuwi."
Nangyari ito upang matupad ang isinasaad ng Kasulatan, "Pinaghati-hatian nila ang aking kasuutan; at ang aking damit ay kanilang pinagsapalaran." Gayon na nga ang ginawa ng mga kawal.
Nakatayo
sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae nitong si
Maria, na asawa ni Cleopas. Naroon din si Maria Magdalena. Nang makita ni Jesus
ang kanyang ina, at ang minamahal na alagad sa tabi nito, kanyang sinabi,
"Ginang, narito ang iyong Anak!" At sinabi sa alagad, "Narito
ang iyong Ina!" Mula noon, siya'y pinatira ng alagad na ito sa kanyang
bahay.
Pagkatapos
nito, alam ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay; at bilang katuparan ng
Kasulatan ay sinabi niya, "Nauuhaw ako!" May isang mangkok doon na
puno ng maasim na alak. Itinubog nila dito ang isang espongha, ikinabit sa
sanga ng isopo at idiniit sa kanyang bibig. Nang masipsip ni Jesus ang alak ay
kanyang sinabi, "Naganap na!" Iniyukayok niya ang kanyang ulo at
nalagot ang kanyang hininga.
(Dito
luluhod ang tanan at sandaling mananahimik.)
Noo'y
araw ng Paghahanda, at ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay sa
Araw ng Pamamahinga sapagkat dakila ang Araw ng Pamamahingang ito. Kaya't
hiniling nila kay Pilato na ipabali nito ang mga binti ng mga ipinako sa krus,
at alisin doon ang mga bangkay.
Naparoon
nga ang mga kawal at binali ang mga binti ng dalawang ipinakong kasabay ni
Jesus. Ngunit pagdating nila kay Jesus at makitang patay na siya, hindi na nila
binali ang kanyang binti. Subalit inulos ng sibat ng isa sa mga kawal ang
tagiliran ni Jesus, at biglang dumaloy ang dugo at tubig.
Ang
nakakita nito ang nagpatotoo -- tunay ang kanyang patotoo at alam niyang
katotohanan ang sinabi niya -- upang kayo'y maniwala. Nangyari ang mga ito
upang matupad ang sinasabi ng Kasulatan. "Walang mababali isa man sa
kanyang mga buto." At sinabi naman ng ibang bahagi ng Kasulatan,
"Pagmamasdan nila ang kanilang inulos."
Pagkatapos nito, si Jose na
taga-Arimatea ay nagsadya kay Pilato upang humingi ng pahintulot na makuha ang
bangkay ni Jesus. Si Jose'y isang alagad ni Jesus, ngunit palihim nga lamang
dahil sa takot sa mga Judio. At pinahintulutan siya ni Pilato; kaya't kinuha ni
Jose ang bangkay ni Jesus.
Sumama sa kanya si Nicodemo, may dalang pabango -- mga 100 libra na pinaghalong mira at aloe. Siya ang nagsadya kay Jesus isang gabi. Kinuha nila ang bangkay ni Jesus, at nilagyan ng pabango , habang binabalot sa kayong lino, ayon sa kaugalian ng mga Judio. Sa pinagpakuan kay Jesus ay may halamanan, at dito'y may isang libingang hindi pa napaglilibingan. Yamang noo'y araw ng Paghahanda ng mga Judio, at dahil malapit naman ang libingang ito, doon nila inilibing si Jesus.
No comments:
Post a Comment