Wednesday, July 12, 2023

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para sa Linggo Hulyo 16, Ika – 15 Linggo sa Karaniwang Panahon: Mateo 13:1-9


Mabuting Balita: Mateo 13:1-9
Noon ding araw na iyon, si Hesus ay lumabas ng bahay at naupo sa tabi ng lawa. Pinagkalipumpunan siya ng makapal na tao, kaya sumakay siya sa isang bangka at doon naupo. Nasa dalampasigan naman ang mga tao. At nagturo siya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga.  

“May isang magsasakang lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may binhing nalaglag sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May binhi namang nalaglag sa kabatuhan. Sapagkat manipis lang ang lupa roon, sumibol agad ang binhing iyon, ngunit nang mapabilad sa matinding sikat ng araw ay natuyo, palibhasa’y walang gaanong ugat.  

May binhi namang nalaglag sa dawagan; lumago ang mga dawag at ininis ang mga iyon. Ngunit ang binhing nalaglag sa mabuting lupa ay nag-uhay: may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpung butil ang bawat uhay. Ang may pandinig ay makinig!”

+ + + + + + +

Repleksyon:

Palagi po ba tayo naglalaan ng oras para makinig kay Jesus?

Dapat tayo po ay nakikinig kay Jesus dahil lahat ng kanyang mga sinasabi ay puno ng mga aral na nagbibigay sa atin ng liwanag at kapanatagan.  

Kung tayo lamang po ay mag lalaan ng oras para makinig sa Panginoon. Tayo ay magiging katulad ng binhing nalaglag sa mabuting lupa na nag-uhay: may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpung butil ang bawat uhay. 

Pag maglaaan po tayo ng oras para kay Jesus tayo ay makakatangap ng maraming biyaya mula sa kanya at magkakaroon ng tamang dereksyon ang ating mga buhay. 

No comments: