Tuesday, April 04, 2023

Ang Mabuting Balita sa Abril 5, Miyerkules Santo: Mateo 26:14-25


Mabuting Balita: Mateo 26:14-25
Si Judas Iscariote, isa sa Labindalawa, ay nakipagkita sa mga punong saserdote. "Ano po ang ibibigay ninyo sa akin kung tulungan ko kayong madakip si Jesus?" tanong niya. Noon din ay binilangan niya siya ng tatlumpong salaping pilak. Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon upang maipagkanulo si Jesus. 

Dumating ang unang araw ng Kapistahan ng Tinapay na Walang Lebadura. Lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, "Saan po ninyo ibig na ipaghanda namin kayo ng Hapunang Pampaskuwa?" Sumagot siya, "Pumunta kayo sa lunsod at hanapin ninyo ang taong ito. Sabihin sa kanyang ganito ang ipinasasabi ng Guro: 'Malapit na ang aking oras. Ako at ang mga alagad ko'y sa bahay mo kakain ng Hapunang Pampaskuwa.' " Sinunod ng mga alagad ang utos ni Jesus, at inihanda nila ang Hapunang Pampaskuwa. 

Nang gabing yaon, dumulog sa hapag si Jesus, kasama ang labindalawang alagad. Samantalang sila'y kumakain, nangusap si Jesus, "Sinasabi ko: isa sa inyo ang magkakanulo sa akin." Nanlumo ang mga alagad, at isa't isa'y nagtanong sa kanya, "Ako po ba, Panginoon?" Sumagot siya, "Ang kasabay kong sumawsaw sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin. 

Papanaw ang Anak ng Tao, ayon sa nasusulat, ngunit sa aba ng nagkanulo sa kanya! "Mabuti pang hindi na ipinanganak ang taong iyon." Si Judas, na magkakanulo sa kanya, ay nagtanong din, "Guro, ako po ba?" Sumagot si Jesus, "Ikaw na ang nagsabi."

No comments: