Thursday, March 09, 2023

Ang Mabuting Balita para Marso 10, Biyernes sa Ikalawang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda: Mateo 21:33-43, 45-46


Mabuting Balita: Mateo 21:33-43, 45-46
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan: "Pakinggan ninyo ang isa pang talinghaga. May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid, at ito'y binakuran niya. Gumawa siya roon ng pisaan ng ubas, at nagtayo ng isang mataas na bantayan. 

Pagkatapos, kanyang iniwan sa mga kasama ang ubasan, at siya'y nagtungo sa ibang lupain. Nang dumating ang panahon ng pitasan, pinapunta ng may-ari ng ubasan ang kanyang mga alipin upang kunin sa mga kasama ang kanyang kaparte. Ngunit sinunggaban ng mga kasama ang mga alipin; binugbog nila ang isa, pinatay ang ikalawa, at binato naman ang ikatlo. 

Pinapunta ng may-ari ang mas maraming alipin, ngunit gayon din ang ginawa ng mga kasama sa mga ito. Sa kahuli-huliha'y pinapunta niya ang kanyang anak na lalaki. 'Igagalang nila ang aking anak,' wika niya sa sarili. Ngunit ng makita ng mga kasama ang anak, sila'y nag-usap-usap: 'Ito ang tagapagmana. Halikayo! Patayin natin ng mapasaatin ang kanyang mamanahin.' Kaya't siya'y sinunggaban nila, inilabas sa ubasan at pinatay. 

"Pagbalik ng may-ari ng ubasan, ano kaya ang gagawin niya sa mga kasamang iyon?" sumagot sila, "Lilipulin niya ang mga buhong na iyon, at paaalagaan ang ubasan sa ibang kasama na magbibigay sa kanya ng kaparte sa panahon ng pamimitas." Tinanong sila ni Jesus, "Hindi pa ba ninyo nababasa ang talatang ito sa Kasulatan? 

'Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong panulukan. Ginawa ito ng Panginoon, at ito'y kahanga-hanga!' Kaya nga sinasabi ko sa inyo: hindi na kayo ang paghaharian ng Diyos kundi ang bansang maglilingkod sa kanya ng tapat. Narinig ng mga punong saserdote at ng mga Pariseo ang mga talinghaga ni Jesus, at naunawaan nilang sila ang pinatatamaan niya. Darakpin sana nila siya, ngunit natakot sila sa mga tao, sapagkat kinikilala ng mga ito na propeta si Jesus.

No comments: