Mabuting Balita: Mateo 5:38-48
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Narinig ninyo na sinabi, ‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: huwag ninyong labanan ang masamang tao. Kung may sumampal sa iyo sa kanang pisngi, iharap mo pa sa kanya ang kabila.
Kung ipagsakdal ka ninuman upang makuha ang iyong baro, ibigay mo sa kanya pati ang iyong balabal. Kung sapilitang ipapasan sa iyo ng manlulupig ang kanyang dala nang isang kilometro, pasanin mo ito nang dalawang kilometro. Magbigay ka sa naghihingi sa iyo, at huwag mong pahindian ang nanghihiram sa iyo.
“Narinig na ninyong sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kaibigan at kapootan mo ang iyong kaaway.’ Ngunit ito naman sabi ko: ibigin ninyo ang mga umuusig sa inyo, upang kayo’y maging tunay na anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa masasama at sa mabubuti, at pinapapatak niya ang ulan sa mga banal at sa mga makasalanan.
Kung ang mga umiibig sa inyo ang siya lamang ninyo iibigin, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Hindi ba’t ginagawa rin ito ng mga publikano? At kung ang binabati lamang ninyo’y ang inyong mga kapatid, ano ang nagawa ninyong higit kaysa iba? Ginagawa rin iyon ng mga Hentil! Kaya, dapat kayong maging ganap, gaya ng inyong Amang nasa Langit.”
No comments:
Post a Comment