May isang babae roon na labindalawang taon nang dinudugo, at lubhang nahihirapan. Marami nang manggagamot ang tumingin sa kanya, at naubos na sa kapapagamot ang kanyang ari-arian, ngunit hindi siya napabuti kahit kaunti bagkus ay lalong lumubha. Narinig niya ang sinasabi ng mga tao tungkol kay Hesus, kaya’t nakipagsiksikan siya hanggang sa makalapit sa likuran ni Hesus. At hinipo niya ang damit nito. Sapagkat sinabi niya sa sarili, “Mahipo ko lang ang kanyang damit ay gagaling na ako.”
Biglang tumigil ang kanyang pagdudugo at naramdaman niyang magaling na siya. Naramdaman naman ni Hesus na may kapangyarihang lumabas sa kanya, kaya’t bumaling siya sa mga tao at nagtanong, “Sino ang humipo sa akin?” Sumagot ang kanyang mga alagad, “Nakikita po ninyong nagsisiksikan ang napakaraming tao, bakit itinatanong ninyo kung sino ang humipo sa inyo?” Subalit patuloy na luminga-linga si Hesus, hinahanap ang humipo sa kanya. Palibhasa’y alam ng babae ang nangyari, siya’y nanginginig sa takot na lumapit kay Hesus, nagpatirapa, at ipinagtapat ang buong katotohanan.
Sinabi sa kanya ni Hesus, “Anak pinagaling ka ng iyong pananalig sa akin. Umuwi ka na’t ipanatag mo ang iyong kalooban. Lubusan ka nang magaling sa iyong karamdaman.” Samantalang nagsasalita pa si Hesus, may ilang dumating mula sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang anak ninyo,” sabi nila. “Bakit pa ninyo aabalahin ang Guro?” Hindi pinansin ni Hesus ang kanilang sinabi, sa halip ay sinabi sa tagapamahala, “Huwag kang mabagabag, manalig ka.”
At wala siyang isinama kundi si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. Nang dumating sila sa bahay ng tagapamahala, nakita ni Hesus na gulung-gulo ang mga tao; may mga nananangis pa at nananaghoy. Pagpasok niya ay kanyang sinabi, “Bakit kayo nagkakagulo at nananangis? Hindi patay ang bata; natutulog lamang!”
Ngunit
pinagtawanan siya ng mga tao. Pinalabas niya ang lahat, maliban sa ama’t ina ng
bata at sa tatlong alagad, at sila’y pumasok sa kinaroroonan ng bata. Hinawakan
niya ito sa kamay at sinabi, “Talita kumi,” na ang ibig sabihi’y “Ineng,
sinasabi ko sa iyo, magbangon ka!” Pagdaka’y bumangon ang bata at lumakad.
Siya’y labindalawang taon na. At namangha ang lahat. Mahigpit na ipinagbilin ni
Hesus na huwag ipaalam ito kaninuman; at iniutos niyang bigyan ng pagkain ang
bata.
No comments:
Post a Comment