Sunday, November 13, 2022

Ang Mabuting Balita para sa Linggo Nobyembre 13, Ika - 33 na Linggo sa Karaniwang Panahon : Lucas 21:5-19


 Mabuting Balita: Lucas 21:5-19
Noong panahong iyon, pinag-uusapan ng ilan sa mga tao ang templo -- ang kahanga-hangang mga bato na ginamit dito at ang mga palamuti nito na inihandog ng mga tao. Kaya't sinabi ni Jesus, "Darating ang panahong lahat ng nakikita ninyong iyan ay iguguho, walang batong ititira sa ibabaw ng kapwa bato." 

Tinanong nila si Jesus, "Guro, kailan po ito mangyayari? At ano ang magiging palatandaan na ito'y magaganap na?"

Sumagot siya, "Mag-ingat kayo ng hindi mailigaw ninuman! Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan na magsasabi, 'Ako ang Mesias!' at, 'Dumating na ang panahon!' Huwag kayong susunod sa kanila. 

Huwag kayong mabagabag kung makakita kayo ng mga digmaan at mga himagsikan. Dapat mangyari ang mga ito, ngunit hindi darating kara-karaka ang wakas." At sinabi pa niya, "Makikipagdigma ang bansa laban sa kapwa bansa at ang kaharian laban sa kapwa kaharian. Magkakaroon ng malalakas na lindol, magkakagutom at magkakasalot sa iba't ibang dako. May lilitaw na mga kakila-kilabot na mga bagay at mga kagila-gilalas na tanda buhat sa langit. 

"Ngunit bago mangyari ang lahat ng ito, darakpin kayo't uusigin. Kayo'y dadalhin sa mga sinagoga upang litisin at ipabilanggo. At dahil sa akin ay ihaharap kayo sa mga hari at mga gobernador. Ito ang pagkakataon ninyo upang magpatotoo tungkol sa akin. Ipanatag ninyo ang inyong kalooban, huwag kayong mababalisa tungkol sa pagtatanggol sa inyong sarili, sapagkat bibigyan ko kayo ng katalinuhan at nang pananalitang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway. 

Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak, at mga kaibigan. At ipapapatay ang ilan sa inyo. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin. ngunit hindi mawawala ni isang hibla ng inyong buhok. Sa inyong pagtitiis ay tatamuhin ninyo ang buhay na walang hanggan.

No comments: