Sunday, October 2, 2022

Ang Mabuting Balita para Oktubre 3, Lunes sa Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon: Lucas 10:25-37


Mabuting Balita: Lucas 10:25-37
Noong panahong iyon, may eskribang lumapit kay Jesus upang siya'y subukin. "Guro," aniya, "ano ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?" Sumagot si Jesus, "Ano ang nakasulat sa Kautusan? Ano ang nababasa mo roon?" Tumugon siya, " 'Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong pag-iisip'; at, 'Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.'" "Tama ang sagot mo," wika ni Jesus. "Gawin mo iyan at mabubuhay ka." 

Sa hangad ng eskriba na huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, tinanong niya uli si Jesus, "Sino naman ang aking kapwa?" Sumagot si Jesus: "May isang taong naglalakbay buhat sa Jerusalem, patungong Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, kinuha pati damit sa katawan, binugbog at halos patay na ng iwan. Nagkataong dumaan doon ang isang saserdote at pagkakita sa taong nakahandusay, siya'y lumihis at nagpatuloy ng kanyang lakad. 

Dumaan din ang isang Levita, ngunit tiningnan lamang niya ito at nagpatuloy ng kanyang lakad. Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na naparaan doon. Nakita niya ang hinarang at siya'y nahabag. Lumapit siya, binusan ng langis at alak ang mga sugat nito at tinalian. Saka isinakay ang tao sa kanyang sinasakyang hayop, dinala sa bahay-panuluyan, at inalagaan doon. 

Kinabukasan, dumukot siya ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi, 'Alagaan mo siya, at kung magkano man ang kakulangan niyan, babayaran ko sa aking pagbabalik.' Sino ngayon sa palagay mo ang nagpakita ng pakikipagkapwa sa taong hinarang ng mga tulisan?" tanong ni Jesus. "Ang nagpakita ng habag sa kanya," tugon ng eskriba. Sinabi sa kanya ni Jesus, "Humayo ka't gayon din ang gawin mo."

No comments: