Thursday, October 6, 2022

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para sa Linggo Oktubre 9, Ika - 28 na Linggo sa Karaniwang Panahon : Lucas 17:11-19



Mabuting Balita: Lucas 17:11-19

Sa paglalakbay ni Hesus patungong Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. Nang papasok na siya sa isang nayon, siya’y sinalubong ng sampung ketongin. Tumigil sila malayu-layo at humiyaw ng: “Hesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!” nang makita sila ay sinabi niya, “Humayo kayo at pakita sa mga saserdote.”

At samantalang sila’y naglalakad, gumaling sila. Nang mapuna ng isa na siya’y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Hesus at nagpasalamat. Ang taong ito’y Samaritano.

“Hindi ba sampu ang gumaling?” tanong ni Hesus. “Nasan ang siyam? Wala bang nagbalik at nagpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Tumindig ka’t humayo sa iyong lakad! Pinagaling ka dahil sa iyong pananalig.”

+ + + + + + +

Repleksyon:

Palagi ka bang magpapasalamat sa mga biyayang ibinibigay ng Panginoon sa iyo?

Pagkatapos pagalingin ni Jesus ang sampung ketongin isa lang ang bumalik para magpasalamat siya ay isang samaritano isang tao na hindi kasama sa relihiyon ni Jesus. Kaya sinabi ni Jesus, diba sampu silang gumaling, asan ang siyam?  

Marahil hinahanap ang siyam ni Jesus dahil sila ay kabilang sa kanyang pananampalataya. Pero  ng makuha na nila ang pagpapagaling ni Jesus ay hindi na sila nagparamdam  pa kay Jesus. 

Ganyan din ang ugali ng ilan sa atin, nananalangin at nag paparamdam  tayo sa Panginoon pag tayo ay may kailagan sa kanya. Pero pag naibigay na sa atin ang panalangin natin para bang nakakalimutan na rin natin ang Panginoon.

Kahit nga sa ating mga kapamilya, kaibigan at sa iba pang tao na nakagawa ng kabutihan sa atin ay nakakalimutan rin nating magpasalamat sa kanila. Pero dapat ay hindi po tayo nakakalimot na magpasalamat sa Panginoon at sa mga taong gumawa ng mabuti sa atin.

Halimbawa po kay Jesus, palagi po ba tayong nagpapasalamat sa mga biyayang ibinibigay nya sa atin? Tulad ho ng biyaya ng bagong buhay tuwing tayo ay gigising sa umaga? Sa lahat po ng bagay tayo ay palaging magkaroon ng pusong nagpapasalamat sa kabutihan ng Panginoon sa atin.

Palagi ka bang nagpapasalamat sa Panginoon? – Marino J. Dasmarinas

No comments: