"May isang taong lumabas para maghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, may binhing nalaglag sa daan at nayapakan, at ang mga ito'y tinuka ng mga ibon. May nalaglag sa kabatuhan, at pagtubo ay natuyo dahil sa kawalan ng halumigmig. May nalaglag naman sa dawagan. Lumago ang dawag at ininis ang mga binhing tumubo. Ang iba'y nalaglag sa matabang lupa, tumubo at namunga ng tig-iisangdaang butil." At malakas niyang idinugtong, "Makinig ang may pandinig!"
Itinanong ng mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinghagang ito. Sumagot si Jesus, "Sa inyo'y ipinagkaloob na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Diyos, ngunit sa iba'y sa pamamagitan ng talinghaga, upang: 'Tumingin man sila'y hindi makakita; At makinig man sila'y di makaunawa.'"
"Ito ang kahulugan ng talinghaga: ang binhi ng salita ng Diyos. Ang mga binhing nalaglag sa tabi ng daan ay ang mga nakinig, ngunit dumating ang diyablo at inalis sa kanilang puso ang salita upang hindi sila manalig at maligtas. Ang mga nalaglag sa kabatuhan ay ang mga nakinig ng salita at tumanggap nito nang may galak, ngunit hindi ito tumimo sa kanilang puso.
Naniwala silang sandali, subalit sa panahon ng pagsubok ay tumitiwalag agad. Ang mga nahasik naman sa dawagan ay ang mga nakinig ngunit nang malaon ay nadaig ng mga alalahanin sa buhay at ng pagkahumaling sa kayamanan at kalayawan, kaya't hindi nahinog ang kanilang mga bunga. Ang mga nahasik naman sa matabang lupa'y ang mga nakinig ng salita. Iniingatan nila ito sa kanilang pusong tapat at malinis at sila'y nagtitiyaga hanggang sa mamunga."
No comments:
Post a Comment