Saturday, September 17, 2022

Ang Mabuting Balita para sa Linggo Ika 18 ng Setyembre, Ika - 25 na Linggo sa Karaniwang Panahon : Lucas 16:1-13


Mabuting Balita: Lucas 16:1-13
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “May isang mayaman na may isang katiwala. Isinumbong sa kanya na nilulustay nito ang kanyang ari-arian. Kaya’t ipinatawag niya at tinatanong: ‘Ano ba itong naririnig ko tungkol sa inyo? Isulit mo sa akin ng buo ang pangangasiwa mo sa aking ari-arian pagkat mula ngayon ay hindi na ikaw ang katiwala ko.’
Nawika ng katiwala sa sarili, ‘Aalisin na ako ng aking panginoon sa pangangasiwa. Ano ang gagawin ko? Hindi ko kayang magbungkal ng lupa; nahihiya naman akong magpalimos. A, alam ko na ang aking gagawin! Maalis man ako sa pangangasiwa, may tatanggap din sa akin sa kanilang tahanan.’ Isa-isa niya ngayong tinawag ang mga may utang sa kanyang panginoon.

Tinanong niya ang una, ‘Gaano ang utang mo sa aking panginoon?’ Sumagot ito, ‘Sandaang tapayang langis po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang. Dali! Maupo ka’t gawin mong limampu,’ sabi ng katiwala. At tinanong naman niya ang isa, ‘Ikaw, gaano ang utang mo?’ Sumagot ito, ‘Sandaang kabang trigo po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang,’ wika niya. ‘Isulat mo, walumpu.’ Pinuri ng panginoon ang magdarayang katiwala dahil sa katalinuhang ipinamalas nito. Sapagkat ang mga makasanlibutan ay mas mahusay gumawa ng paraan kaysa mga maka-Diyos.”

At nagpatuloy si Hesus ng pagsasalita, “Kaya’t sinasabi ko sa inyo: gamitin ninyo sa pakikipagkaibigan ang kayamanan ng sanlibutang ito. Maubos man ito’y may tatanggap naman sa inyo sa tahanang walang hanggan. Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang magdaraya sa maliit na bagay ay magdaraya rin sa malaking bagay. Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa mga kayamanan ng sanlibutang ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? At kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng talagang para sa inyo?

“Walang makapaglilingkod nang sabay sa dalawang panginoon. Sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi ninyo mapaglilingkuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan.”

No comments: