“Kaya’t sinasabi ko sa inyo: huwag kayong mabagabag tungkol sa pagkain at inumin na kailangan ninyo upang mabuhay, o tungkol sa damit na kailangan ng inyong katawan. Hindi ba’t ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain, at ang katawan kaysa pananamit? Masdan ninyo ang mga ibon: hindi sila naghahasik ni nag-aani o kaya’y nagtitipon sa bangan. Gayunman, pinakakain sila ng inyong Amang nasa langit. Hindi ba’t higit kayong mahalaga kaysa mga ibon? Sino sa inyo ang makapagpapahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng kanyang pagkabalisa?
“At bakit kayo nababagabag tungkol sa pananamit? Isipin ninyo kung paano sumisibol ang mga bulaklak sa parang; hindi sila nagpapagal ni humahabi man. Ngunit ito ang sasabihin ko sa inyo: maging si Solomon ay hindi nakapagsuot ng kasingganda ng isa sa mga bulaklak na ito, bagamat napakariringal ang mga damit niya. Kung ang mga damo sa kabukiran, na buhay ngayon at kinabukasa’y iginagatong sa kalan, ay dinaramtan ng Diyos, kayo pa kaya? Kay liit ng pananalig ninyo sa kanya! Kaya’t huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong kakanin, iinumin, o daramtin.
Sapagkat ang
mga bagay na ito ang kinahuhumalingan ng mga taong wala pang pananalig sa
Diyos. Alam ng inyong Amang nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito.
Ngunit pagsumakitan ninyo nang higit sa lahat ang pagharian kayo ng Diyos at
mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ipagkakaloob niya ang lahat ng
kailangan ninyo. Kaya, huwag ninyong ikababahala ang para sa araw ng bukas;
saka na ninyo harapin kapag ito’y dumating. Sapat na sa bawat araw ang kanyang
mga suliranin.”
No comments:
Post a Comment