Monday, April 18, 2022

Ang Mabuting Balita para sa Linggo Abril 24, Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay/Linggo ng Banal na Awa ng Panginoon: Juan 20:19-31



Mabuting Balita: Juan 20:19-31
19 Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon ng sanlinggo at nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Jesus at pumagitna. At sinabi niya sa kanila: “Kapayapaan sa inyo!” 20 Pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagka­kita nila sa Panginoon.  

21 At muli niyang sinabi sa kanila: “Kapa­­yapaan sa inyo! Kung paanong isinugo ako ng Ama, ipinadadala ko rin kayo.” 22 At pagkasabi nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espi­ritu Santo! 23 Patatawarin ang mga kasa­lanan ninu­man na inyong patawarin; at pana­natiliin naman sa sinuman ang in­yong panatiliin.”  

24 Hindi nila kasama si Tomas na tina­guriang Kambal, na isa sa Labin­dalawa, nang du­mating si Jesus. 25 Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Pangi­noon!” Sinabi naman niya: “Maliban lamang na ma­kita sa kanyang mga kamay ang tatak ng mga pako at maipasok ang aking daliri sa pinag­lagusan ng mga pako at maipasok ang aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako mani­niwala!”  

26 Makaraan ang walong araw, mu­ling nasa loob ang kanyang mga ala­gad at kasa­ma nila si Tomas. Dumating si Jesus ha­bang nakasara ang mga pinto at puma­gitna. At sinabi niya: “Kapa­yapaan sa inyo!” 27 At sinabi niya kay Tomas: “Ilapit mo rito ang daliri mo at tingnan ang aking mga kamay. At ilapit ang kamay mo at ipasok sa aking tagiliran at huwag tumangging maniwala kundi ma­niwala!”  

28 Sumagot si Tomas sa kanya: “Pangi­noon ko at Diyos ko – ikaw!” 29 Sinabi sa kanya ni Jesus: “Dahil ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi nakakita at naniniwala.” 30 Ngayon, marami pang ibang tan­dang ginawa si Jesus sa harap ng kanyang mga alagad, na hindi naman nasusulat sa kasulatang ito. 31 Isinulat naman ang mga ito upang maniwala kayo na si Jesus ang Kristo, ang Anak ng Diyos. At sa pani­niwala ninyo’y magkaroon kayo ng buhay sa bisa ng kanyang Pangalan.

No comments: