Tuesday, April 12, 2022

Ang Mabuting Balita para sa Abril 16, Sabado Santo; Ang Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay: Lucas 24:1-12


Umagang-umaga nang araw ng Linggo, ang mga babae’y nagtungo sa libingan, dala ang mga pabangong inihanda nila. Nang dumating sila, naratnan nilang naigulong na ang batong nakatakip sa pintuan ng libingan. Ngunit nang pumasok sila, wala ang bangkay ng Panginoong Hesus. Samantalang nagugulo ang kanilang isip tungkol dito, nakita nila’t sukat sa tabi nila ang dalawang lalaking nakasisilaw ang damit. 

Dahil sa matinding takot, sila’y lumuhod, sayad ang mukha sa lupa. Tinanong sila ng mga lalaki, “Bakit ninyo hinahanap ang buhay sa gitna ng mga patay? Wala na siya rito – siya’y muling nabuhay! Alalahanin ninyo ang sinabi niya sa inyo noong nasa Galilea pa siya: ‘Ang Anak ng Tao ay kailangang maipagkanulo sa mga makasalanan at maipako sa krus, at sa ikatlong araw ay muling mabuhay.’” 

At naalaala ng mga babae ang mga sinabi niya. Pagbabalik mula sa libingan, isinalaysay nila ang lahat ng ito sa Labing-isa at sa iba pang kasama nila. Ang mga babaing ito’y sina Maria Magdalena, Juana, at Mariang ina ni Santiago; sila at ang iba pang mga babaing kasama nila ang nagbalita nito sa mga apostol. Ngunit inakala ng mga apostol na kahibangan lamang ang kanilang sinabi, kaya hindi nila pinaniwalaan ang mga babae. Gayunma’y tumindig si Pedro at patakbong nagpunta sa libingan. Yumukod siya at pagtingin sa loob ay wala siyang nakita kundi ang mga kayong lino. Kaya’t umuwi siyang nagtataka sa nangyari.    

No comments: